PASAHERO NALAGLAG SA BINTANA NG BUS SA QUEZON

📷 Agdangan Police

Ylou Dagos

Sugatan ang isang pasahero matapos na ito ay mahulog sa bintana ng tumatakbong bus sa national highway Barangay Poblacion 1, Agdangan, Quezon nitong Huwebes ng umaga.

Nagtamo ng mga pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Noel Nacion, 39-anyos, construction worker at residente ng Bacoor, Cavite.

Batay sa report ng Agdangan police, dakong alas 10:00 ng umaga, sakay ang biktima sa ordinary  bus na biyaheng bayan ng  Catanuan nang binuksan nito ang bintana dahil sa siya ay naiinitan.

Subalit nawalan umano ito ng panimbang at aksidenteng lumusot sa bintana palabas.

Agad inihinto ng bus driver na si Elias Tumacas ang sasakyan at sinaklolohan ang biktima.

Isinugod ito ng mga tauhan ng Agdangan MDRRMO sa ospital at nilapatan ng lunas.

Ayon kay PLT  Ferlito Mangubat, hepe ng Agdangan police, hindi naman magsasampa ng kaso ang biktima matapos magkasundo ang magkabilang panig at mangako ang may-ari ng kumpanya ng bus na sasagutin nito ang kagastusan sa ospital ng biktima.