RIDER NG MOTOR, PATAY MATAPOS SUMALPOK SA TRAK SA BATANGAS CITY

Marlon Luistro

Dead on the spot ang isang motorcycle rider matapos na sumalpok sa trak sa may Bypass Road, Barangay Balagtas, Batangas City nitong Huwebes ng madaling araw.

Namatay sa aksidente ang driver na nakilalang si Daniel Chua, 26 anyos, residente ng nasabing barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-2:30 ng madaling araw, tinatahak lamang ng trak na minaaneho ni Felixberto Almarez ang daan patungong San Pascual nang sumalpok sa unahang bahagi nito ang motor.

Sa  lakas ng impact ay tumilapon sa kalsada ang motor at ang  driver na si Chua, na nagtamo ng head injuries at naging sanhi ng kanyang agad na pagkamatay.

Nasa kustodiya na ng Batangas City Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.