MIYEMBRO NG BARANGAY LUPON DUMAYO NG AWAY, PATAY SA PANANAGA NG KABARANGGAY SA QUEZON

Ylou Dagos

Patay ang isang miyembro ng barangay lupon matapos na ito ay pagtatagain ng kanyang dinayo ng away sa Barangay Rizal Ibaba, Calauag, Quezon Biyernes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Alexander Morales, 67 anyos.

Batay sa report ng Calauag police, dakong alas 6:30 ng gabi nang puntahan ng biktima sa kanyang bahay ang suspek na si Nilo Ros Pardeñas, 54 anyos at kinumpronta dahil sa kanilang naunang hindi pagkakaunawaan noong umaga ng araw na yun.

Nauwi ang pagtatalo ng dalawa sa panununtok ng biktima sa suspek.

Nakakuha naman ng itak ang suspek at sunod-sunod na inundayan ng taga ang biktima.

Agad tumakas ang suspek matapos ang insidente.

Isinugod naman sa ospital ang biktima subalit binawian ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa kasong murder.