QUEZON PROVINCE NAGHAHANDA SA POSIBLENG PAGTAMA NG BAGYONG KARDING

Ylou Dagos

Bilang paghahanda sa posibleng pagtama at pananalasa ng Typhoon Karding sa lalawigan ng Quezon ay kaagad na nagsagawa ng pagpupulong ang Provincial Disaster Risk Assesment Council sa pangunguna ni Governor Angelina Tan at iba pang sangay ng gobyerno nitong Sabado ng hapon.

Ayon sa pag-uulat ni Dr. Mel Avenilla, Provincial Disaster Risk and Reduction Management Office Head, ang Polillo group of island na binubuo ng limang bayan ang posibleng maging pinakaapektado ng paghagupit ng bagyo.

Batay sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, nasa ilalim na ng TS signal number 3 ang he extreme northern portion ng Quezon kasama ang mga bayan ng General Nakar, Infanta at Polillo Islands.

Binigyang diin ni Governor Tan ang kahalagahan ng Pre-emptive Evacuation at inatasan nito ang Provincial Social Welfare Development Office na maagap ayusin ang pagkakasa ng mga ayuda na magmumula sa Pamahalaang Panlalawigan.

Sinuspinde na rin ng Philippine Coast Guard – Northern Quezon ang mga biyahe ng mga barko mula Real port patungo sa mga isla sa mga bayan ng Pollillo, Panukulan, Burdeos, Patnanungan at Jomalig.

Maging ang mga biyahe ng barko mula sa Atimonan patungo sa Alabat island ay sinuspende na rin ng PCG. Ganoon din ang mga biyaahe ng Barko mula sa Lucena Port papunta ng Marinduque at Masbate.

Inabisuhan na rin ang mga mangingisda na huwag na munang pumalaot sa mga nasabing lugar.

Nanawagan din si Tan sa mga mayor na paghandaan ang bagyong parating at bigyang atensyon ang ayuda sa maliliit na mangingisda upang hindi na magpumilit pang makipagsapalaran sa paglaot at salubungin ang malalaking alon sa karagatan.