PINSALANG IDINULOT NG BAGYONG KARDING SA BURDEOS QUEZON TUMAMBAD

Ylou Dagos

Tumambad ngayong umaga ang nakakapanlumong pinsalang idinulot ng Super typhoon Karding sa Bayan ng Burdeos, Quezon kung saan unang nag land fall ang bagyo.

Mga wasak na kabahayan, mga nagtumbahang mga puno at iba pang imprastukturang nasira ang tumambad sa mga residente ngayong araw.

Ito ay dahil sa hagupit na dinanas  ng nasabing bayan kung saan nagland fall ang bagyo dakong alas 5:30 ng Linggo batay sa weather bulletin  ng PAGASA.

Ayon kay Quezon PDRRMO head Dr. Mel Avenilla, ngayong araw pa lamang nagsisimula ang assessment ng mga LGU sa mga pinsalang tinamo ng kani-kanilang bayan partikular sa mga bayan sa Polillo group of islands na siyang nasentruhan ng unang hagupit ng bagyo.

Umaasa ang PDRRMC na ngayong araw ay makakapagsumite na ng mga tinamong pinsala ang mga naapektuhang bayan kahit hirap sila sa komunikasyon.

Nanatiling wala pa ring supply  ng koryente sa Polillo island ngayon kung saan may 3 itong bayan, ang Polillo, Burdeos at Panukulan.

Ganoon din sa 2 pang islang Bayan ng  Jomalig at Patnanungan.

Samantala nakatutok na din ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapadala ng agarang tulong at pagdagdag ng mga tao na makakatulong sa immediate recovery ng mga nasabing lugar.