1 LALAKI DINUKOT NG MGA ARMADONG SUSPEK NA NAKA-VAN SA BATANGAS

📷 N. Sison

Ylou Dagos

Isa na namang lalaki ang dinukot ng mga hindi nakilalang suspek na sakay ng isang van sa Batangas nitong Lunes ng gabi.

Batay sa report ng Batangas PNP, nangyari ang pagdukot sa biktimang kinilalang si Remdzen Sison , 32 anyos, taga Barangay Bungahan, sa isang kalsada sa Brgy. Poblacion 1, sa bayan ng Cuenca dakong alas 8:45 ng gabi.

Sa imbestigasyon ng Cuenca police, sinasabing nasa apat hanggang limang kalalakihan na pawang nakasuot ng itim na damit at mga nakabonnet ang bumaba sa isang kulay puting Toyota Hi-Ace Van na may plate number CTK 692 at sapilitang kinaladkad ang biktima papasok sa sasakyan.

Mabilis na umalis ang mga ito at tinahak ang B. Laqui Street na patungo sa direksyon ng Barangay Natunuan sa bayan ng San Jose.

Base naman sa video na kuha ng pamangkin ng biktima, madidinig na humihingi pa ito ng tulong habang isinasakay sa van.

📹 N. Sison

Nanawagan ngayon ang mga kaanak ng biktima na ipagbigay alam agad sa pulisya ang anumang impormasyon sa kinaroroonan ng biktima na nakaasuot ng puting sando at itim na short nang dukutin.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring insidente.

Ayon pa Cuenca police, base sa kanilang record ang biktima ay dati nang naaresto at nakasuhan dahil sa paglabag sa RA 9165 o pag-iingat at pagbebenta ng illegal drugs.

Ito na ang ikalawang insidente ng abduction sa Batangas sa nakalipas na dalawang buwan.

Matatandaan na noong nakaraang Agosto 16, isa rin lalaki na umano ay sangkot naman sa mga kaso ng carnapping ang dinukot din sa isang gasolinahan sa bayan ng Taal.

Kinabukasan, nakita itong patay at may mga tama ng bala sa gilid ng highway sa Eco Tourism road sa bayan ng Sariaya, Quezon.