4 TINANGAY NG FLASH FLOOD SA TANAY RIZAL

Ylou Dagos

Isa ang kumpirmadong patay, habang isang bata ang nailigtas at dalawa ang patuloy na nawawala matapos na ang apat na magkakapamilya ay tangayin ng malakas na agos ng tubig sa Tanay, Rizal noong Linggo ng gabi habang nananalasa ng Bagyong Karding.

Ayon kay PLTCOL Rodolfo Santiago II, nangyari ang insidente habang ang mga biktima ay tumatawid sa Lanatin River sa Barangay Cayabu dakong alas 8:30 ng gabi.

Bigla umanong lumaki ang tubig at lumakas ang agos sa ilog kaya natangay ang mga ito.

Una nang nakita nitong Lunes ang wala ng buhay na katawan ng biktimang 65-anyos na si Arthur Panes sa pampang ng ilog.

Nawawala naman ang anak nitong babae na si Aimy Panes Laurel at asawa ni Aimy na si Carlo Laurel .

Nakaligtas naman ang 2-taong gulang na anak ng mag-asawa.

Lumalabas sa imbestigasyon na unang tinangay ng agos ang nasawing biktima habang tumawatawid ang mga ito sa ilog.

Sinubukan itong sagipin ng kanyang anak na babae subalit tinangay din ito ng agos.

Nagawa namang mailagay ni Carlo sa mga puno ng kawayan ang kanilang anak at saka sinaklolohan ang mag-ama subalit tinangay na rin ito ng malakas na daloy ng tubig-baha.

Na-rescue naman ng mga sumaklolong rescuer ang bata na nagtamo ng mga galos at gasgas sa katawan.

Ayon pa sa imbestigasyon, isa sa mga biktima ang nagselebra ng birthday sa isang lugar sa gilid ng nasabing ilog at papauwi na ang mga ito nang mangayari ang insidente.

Patuloy pa ngayon ang isinasagawang search and retrieval operation ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard at rescue team ng Tanay MDRRMO sa mag-asawang nawawala.