POLICE CLEARANCE NG CHINESE WORKERS SA CAVITE SINIGURO

Roselle Aquino

Carmona, Cavite—Alinsunod sa kasunduan ng Philippine National Police (PNP) at direktiba ni PNP Chief Gen Rodolfo Azurin Jr., nagsimula ng kumuha ng police clearance ang mga empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Cavite.

Ang Sky Dragon Global Technologies Corp, isang Cavite-based business process outsourcing service provider at lisensyado ng Philippine Amusement and Gaming Corp.  o PAGCOR ay isa sa mga unang tumugon sa panawagan ng PNP.

Ayon kay Ryan Sy, general manager ng Sky Dragon, nakipagkasundo sila sa PNP na iproseso ang police clearance ng kanilang mga empleyado bilang isa sa mga requirements na makapagtrabaho sila sa bansa.

Halos dalawang buwan nang nag-ooperate ang Skydragon na may 400 empleyado kung saan 95% dito ay mga Filipino.

Ang police clearance ay isa sa mga napagkasunduang requirement para sa operasyon ng POGO dahil sa pagtaas ng krimen sa bansa partikular ang kidnapping kung saan sangkot ang ilang empleyado ng POGO.

Nais din siguraduhin ng pulisya na walang mga kaso at hindi wanted sa batas ang mga empleyadong nagmula sa ibang bansa.

Base sa record ng pulsiya, tumaas ang kaso ng kidnapping simula taong 2017 at karamihan sa nagiging suspek ay empleyado ng POGO.