BALIKATAN PARA SA POLILLO GROUP OF ISLANDS, RELIEF OPERATIONS PATULOY

Ylou Dagos

Patuloy ang pagpadala ng pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng DSWD at pamahalaang panlalawigan ng Quezon ng mga tulong sa nasalanta ng Bagyong Karding sa Polillo group of islands.

Nasa mahigit 16,000 pamilya na ang nabigyan ng mga food packs sa 5 bayan ng Polillo, Burdeos, Panukulan, Patnanungan at Jomalig.

Nitong Lunes ng gabi, nasa 4,000 pamilya sa Patnanungan at mahigit 3,000 pamilya sa Jomalig ang unang nabiyayaan ng tulong.

Sinundan agad ito ng pagpapadala ng relief goods nitong Martes para sa nasa 4,000 pamilya sa Burdeos, 4,000 pamilya sa Panukulan at paunang 1,000 para sa Polillo.

Magkatulong na rin ang PNP at AFP sa agarang pagdadala ng mga relief goods.

Gamit ang mga mga helicopters ng Philippine Airforce, mula sa Villamor airbase sa Pasay kaagad inililipad patungo sa isla ang mga tulong na nagmumula sa DSWD.

Nakaantabay naman ang PNP sa isla para sila ang magdala sa mga bayan-bayan.

Ang mga relief packs ay naglalaman ng pagkain, tubig, mga gamot, at mga damit.

📷 📹 LA Ruanto / Quezon PNP

Maging ang mga pampasaherong RORO na bumibayahe patungo sa mga isla ay libreng tumulong na rin sa paghahakot ng mga relief packs na nanggagaling naman sa kapitolyo ng Quezon.

Maging ang bayan ng General Nakar na nasa mainland ng Quezon pero isa din sa grabeng napinsala ay hinatiran na din ng mga unang pangangailangan.

Kahapon sa special session ng Sangguniang Panlalawigan, isinailalim na sa state of Calamity ang limang bayan sa Polillo Group of Islands at ang bayan ng General Nakar.