BANGKAY NG BABAE, NATAGPUANG LULUTANG-LUTANG SA KARAGATAN MALAPIT SA POLILLO , QUEZON

📷 POLILLO PNP

Ylou Dagos

Isang bangkay ng babae ang natagpuan sa karagatan sakop ng Brgy. Sabang, Polillo, Quezon nitong Martes ng umaga.

Ayon sa Polillo police, ang hindi pa nakikilalang bangkay ay posibleng biktima ng pagkalunod dahil sa pananalasa ng Bagyong Karding.

Natagpuan ng mga miyembro ng Bantay Dagat na nagsusurvey sa lugar ang lulutang-lutang na bangkay hindi kalayuan sa dalampasigan dakong alas 7:30 ng umaga.

Wala ng anumang saplot sa katawan ang labi at tanging ang suot na round silver na hikaw ang maaring pagkakilanlan dito.

Inaalam pa ng pulisya kung ang biktima ay nagmula sa isla ng Polillo at sa mga katabing lugar.

Kung sakaling biktima ito ng bagyong Karding, ito ang ikalawang matatalang casualty sa lalawigan ng Quezon.

Nakalagak ngayon ang bangkay sa isang puneraria sa bayan ng Polillo at hinihihintay na kilalanin ng kanyang mga kaanak.