OPISYAL AT MGA RESIDENTE NG 1 BARANGAY SA BURDEOS, QUEZON, NANAWAGAN NG TULONG PARA SA AGARANG PAGBANGON NILA SA TRAHEDYA

Ylou Dagos

Isa ang Barangay Carlagan sa bayan ng Burdeos sa pinakamatinding napinsala ng Bagyong Karding nang maglandfall ito sa nasabing bayan na nasa isla ng Polillo noong Linggo ng hapon.

Batay sa datos PAGASA sa bagyong Karding, unang tumama ang sentro ng bagyo sa kalupaan sa northeast portion ng bayan ng Burdeos kung saan naroon ang islang Barangay ng Carlagan at dalawang katabi nitong Barangay ng Mabini at Bonifacio.

Kaya naman ayon sa Quezon PDRRMO, halos 95% ng mga kabahayan dito ang nawasak.

Maging ang kanilang mga bangkang pangisda na siyang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente doon ay halos wasak ding lahat matapos ang mga itong ipaghampasan ng malalaking alon ng karagatan.

Hindi rin nakaligtas sa lupit ng bagyo ang kanilang eskwelahan at covered court nito.

Kaya dahil sa kawalan ng pag-asa sa nakapanlulumong pangyayari, nananawagan na ang kanilang punong barangay na si Jake Lape sa lahat ng puwedeng tumulong na tulungan sila na makaahon sa trahedyang kanilang sinapit.

Damit, pagkain, tubig at mga kagamitan para mabuo muli ang kanilang mga tahanan ang hinihiling ng kapitan para sa kanyang mga kabaranggay.

Kailangan din nila anya ng kahit anong mapagsisimulan para sila makabangon.

Sa ngayon anya ay wala silang pinagkukunan ng kanilang mga pangangailangan kundi ang mga paunang tulong na ibinigay ng DSWD at pamahalaang panlalawigan at at ang kanilang napakaliit na budget ng barangay para sa quick response.

Nagpapasalamat din ang kapitan sa mga indibidwal na nagpapadala ng tulong sa kanila.

Pero ayon sa punong barangay, hindi sasapat ang mga relief goods na kanilang natatanggap ngayon sa mahaba pang panahon na kanilang kakailanganin para sila makabalik sa normal na buhay at paghahanapbuhay.

Kayat bukod sa mga relief goods, hiling ng punong barangay sa lokal at nasyunal na pamahalaan at sa iba pang LGUs na mapagkalooban sila ng mga pansamantalang mapagkikitaan para hindi sila aasa na lamang sa mga relief goods hindi rin nila alam kung hanggang kelan tatagal.