18-ANYOS NA BABAE, PATAY SA PANANAKSAK NG KA LIVE –IN SA LAGUNA

📷 Biñan PNP

Ylou Dagos

Patay ang isang 18-anyos na babae matapos na ito at ang kanyang pinsan ay pagsasaksakin ng kanyang live-in partner sa Brgy. Langkiwa Biñan City, Laguna nitong Miyerkules ng madaling araw.

Ayon sa pulisya, matinding selos ang dahilan ng insidente.

Kinilala ang biktima na si Rochelle Ann Flores, isang estudyante.

Nagtamo ito ng tatlong panay fatal na tama ng saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan at idineklarang dead on arrival sa ospital.

Sugatan din ang 14-anyos na pinsan nito na si Jimsher Soriaga na kasama nitong nakatira sa bahay.

Batay sa report ng Biñan City police, dakong alas 4:00 ng madaling araw nang pwersahang pasukin ng 21-anyos na suspek na si John Dave Bernabe ang bahay na tinutulugan ng mga biktima at unang sinaksak ang ka-live in at saka isinunod ang pinsan.

Mabilis itong tumakas matapos ang pananaksak subalit agad din itong naaresto sa follow up operation ng mga pulis sa Baclaran, Paranaque City.

Ayon kay PLTCOL Virgilio Jopia, hepe ng Biñan City police, nagkakalabuan na ang dalawa at gusto ng humiwalay ng biktima na siyang ikinagalit ng suspek .

Nakakulong na ang suspek sa Biñan City police station lock up cell at sinapahan na rin ng mga kasong murder at frustrated murder.