BABAENG NATANGAY NG FLASHFLOOD SA ILOG SA RIZAL AT BANGKAY NA NATAGPUAN SA QUEZON, IISA

Ylou Dagos

Kinumpirma ng mga kaanak ng babaeng naanod sa ilog sa Tanay, Rizal noong Linggo na ang biktima ay ang natagpuang bangkay noong Martes sa karagatan sa may bahagi ng Barangay Sabang Polillo, Quezon.

Nitong Miyerkules ay personal na nagtungo sa Polillo ang nanay ng biktima na si Maria Luiza, kasama ang mga imbestigador ng Tanay at Antipolo police at kinilala ang bangkay.

Kumbinsido ang nanay na iyon ang anyang anak na si Aimy Panes Laurel lalo na at magkaparehas ang kanilang suot na isang round silver na hikaw.

Si Laurel ay kabilang sa apat na magkakaanak na naanod ng flashflood sa Lanatin River sa Barangay Cayabu, Tanay noong Linggo ng gabi sa kasagsagan ng Bagyong Karding.

Nasawi sa insidente ang kanilang tatay na si Arthur Panes na siyang nagselebra ng birthday sa tabi ng ilog, samantalang nawawala pa ang kanyang mister na si Carlo Laurel.

Nailigtas naman ang 2-taong gulang na anak ng mag-asawa.

Batay sa pag-aanalisa ng mga awtoridad nasa halos 100 kilometro ang kinaanudan ng biktima na dumaan sa paliko-likong mga ilog ng Lanatin at Daraitan river sa Rizal, patungo sa Kaliwa river at Agos River na palabas sa karagatan ng General Nakar, Quezon bago naanod ng dagat patungo sa may isla ng Polillo.

Samantala ayon sa hepe ng pulisya ng Tanay, biniberipika nila ngayon ang isang bangkay ng lalaki na natgpuan sa may ilog sa Daraitan, Rizal kung ito ang nawawalang mister.