BARANGAY KAGAWAD PATAY SA PAMAMARIL SA ROSARIO, BATANGAS

Ylou Dagos

Patay ang isang barangay kagawad matapos na pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang salarin sa Rosario, Batangas nitong Miyerkules ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Ismael Rosales, 50 anyos, isang negosyante, tubong Brgy. Del valle, San Antonio, Quezon at residente at barangay kagawad ng Brgy. Salao.

Batay sa report ng Rosario police, dakong alas 7:00 ng umaga, nakikipag-usap ang ang biktima sa kanyang tiyo sa harap ng tindahan ng huli, nang dumating ang mga suspek.

Naglakad ang mga ito palapit sa biktima at saka bigla na lamang pinagbabaril.

Mabilis ding tumakas ang mga ito matapos ang pamamaril at tumakbo patungo sa naghihintay na motorsiklo hindi kalayuan sa tindahan.

Subalit nasira ang kadena ng motorsiklo kaya napilitan itong iwanan ng mga suspek.

Nagtamo naman ang biktima ng mga tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan na agad nitong ikinasawi.

Narekober sa crime scene 4 na basyo ng kalibre 45 baril.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam pa ng mga awtoridad sa motibo sa krimen at kung sino ang mga suspek.

Tinutunton na rin ng mga awtoridad kung sino ang may ari ng motorsiklo.