SULFUR DIOXIDE EMISSION SA BULKANG TAAL, TUMAAS

Marlon Luistro

Tumaas ang sulfur dioxide emission sa Bulkang Taal nitong Huwebes.

Sa inilabas na advisory ng Phivolcs kaninang alas-7 ng gabi, sinabi nitong nakapagtala ng 10,718 tonnes ng volcanic sulfur dioxide emission mula sa Taal Main Crater na lumikha ng volcanic smog o vog sa Taal Caldera.

Umabot din sa 6,612 tonnes kada araw ang average ng ibinubugang sulfur dioxide ng bulkan ngayong buwan ng Setyembre at patuloy na tumataas ang emission mula pa noong July 15, 2022.

Mula rin noong nakaraang buwan ay mayroong naobserbahang degassing activity sa proma ng upwelling ng volcanic fluids sa main crater lake at pagbuga ng naglalakihang mga steam rich plumes o usok na may taas na 2500 metro sa Taal Volcano Island.

Ngayong umaga ay namataan din ang vog ng mga residente ng bayan ng Laurel, Agoncillo at Sta. Teresita.

Babala ng Phivolcs, ang vog ay binubuo ng mga pinong droplets na naglalaman ng volcanic gas gaya ng sulfur dioxide na acidic at maaaring magdulot ng pagkairita ng mga mata, lalamunan at baga depende sa gas concentration at sa tagal ng exposure.

Sensitibo aniya sa vog ang mga may iniindang karamdaman gaya ng ashtma, lung disease at heart disease, senior citizens, buntis at mga bata.

Bilang pag iingat sa masamang epekto ng vog sa kalusugan ay pinapayuhan ang mga taong limitahan ang kanilang exposure, iwasan ang lumabas at manatili lamang sa loob ng bahay, isara ang pinto at bintana ng bahay para mablock out ang vog.

Pinapayuhan din ang mga taong magsuot ng N95 facemask, uminom ng tubig para mabawasan ang pagkairita ng lalamunan at kung kabilang sa mga sensitibong grupo ay bantayan ang sarili at humingi ng tulong sa doktor kung kinakailangan.

Ayon pa sa Phivolcs, maaari din aniyang mag-generate ng acid rain tuwing may pag-uulan at volcanic gas emission na maaaring makasira sa mga pananim at maapektuhan ang mga bubong ng bahay at gusali.

Nananatili naman sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal at naroon pa rin ang panganib ng steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquakes, minor ashfall at pagbuga ng nakamamatay na volcanic gas.

Kayat paalala ng Phivolcs, bawal pa rin ang pumunta sa Taal Volcano Island na idineklarang permanent danger zone lalo na sa mga lugar  ng main crater at Daang Kastila Fissure.