MALVAR MAYOR REYES, 2 IBA PA PINAWALANGSALA SA KASONG GRAFT

Mayor Cristeta Reyes

Marlon Luistro

Pinawalang-sala ng Sandiganbayan si Mayor Cristeta Reyes ng Malvar, Batangas at dalawa pang opisyal ng munisipyo sa kasong graft sa pagbili ng P6.65 milyong lote mula sa mga anak ni Reyes, ayon sa inilabas na  ulat ng  Manila Bulletin noong Setyembre 24.

Pinawalang-sala din ng fourth division ng korte sina Municipal Treasurer Yolanda F. Cabiscuelas at Municipal Budget Officer Jeanette C. Fruelda.

Matatandaang noong 2010 ay nagbayad ang munisipyo ng Malvar ng P6.65 milyon sa mga anak ni Reyes para sa 5,000 metro kuwadrado na lote na gagamitin sa pagtatayo ng isang national high school building.

Inakusahan ng prosekusyon na namagitan si Reyes sa kanyang opisyal na kapasidad bilang alkalde sa transaksyon kung saan siya ay may direkta o hindi direktang pinansiyal o pecuniary na interes.

Sa desisyon nito, walang nakitang legal na batayan ang anti-graft court para maipit ang lahat ng akusado para sa diumano’y pinsalang idinulot sa gobyerno, at binanggit pa na ang ari-arian ay napatunayang angkop at sumusunod sa mga minimum na kinakailangan sa pagtatatag ng national high. paaralan.

“Bagama’t hindi pinagtatalunan na binayaran ng munisipyo ng Malvar ang halagang P6,650,000 sa mga anak ni Reyes, dapat tandaan na ang titulo sa 5,000 metro kuwadrado na lote ay inilipat sa pangalan ng munisipalidad ng Malvar, bilang ebidensya sa pamamagitan ng TCT Nos. T-143966 at T-143968,” sabi ng desisyon.

Sa kasong ito, nabanggit ng korte na ang mga rehistradong may-ari sa simula ay hindi nagplanong ibenta ang isang bahagi ng kanilang ari-arian sa munisipyo.

Sinabi rin nitong tumanggi rin ang akusado na si Reyes na makialam sa transaksyon, at naganap lamang ang tuluyang pagbebenta matapos tanggihan ng Department of Education (DepEd) ang 2,000-square meter parcel ng lupa na donasyon ng barangay.

Ipinunto ng korte na ang katotohanan na ang akusado na si Reyes at ang mga may-ari ng lupa ay magkamag-anak ay hindi awtomatikong nangangahulugan na ang una ay may pinansyal o pecuniary na interes sa transaksyon.

“It is also worth highlighting that accused Reyes’ children have all attained the age of majority at the time the Deed was executed. Parental authority over their person and property had already terminated, making them qualified and responsible for all acts of civil life, including disposition of real property owned by them,” nakasaad din sa desisyon.

Isinulat ni Associate Justice Lorifel L. Pahimna ang 36 na pahinang desisyon na sinang-ayunan ni Fourth Division Chairperson Michael Frederick L. Musngi at Associate Justice Bayani H. Jacinto.

ELECTION PROTEST LABAN KAY MAYOR ONA DINISMIS NG KORTE

Lyka Manalo

Dinismis ng Regional Trial Court (RTC) Balayan ang election protest laban kay Mayor Nas Ona ng Calaca, Batangas.

Ayon sa dokumentong naka post sa FB page ni Ona na nilagdaan ni Executive Judge Cristino E. Judit noong Agosto 22, walang basehan ang protesta ni Renante Macalindong na nakalaban niya noong nakaraang eleksiyon sa pagka-alkalde.

Nakakuha si Ona ng 31,285 na boto habang 21,305 naman ang nakuha ni Macalindong sa nakaraang 2022 elections kung saan lamang ang alkalde ng 9,980 na boto.

BIKE LANES DAPAT PONDOHAN NG GOBYERNO – SEN.VILLAR

Senator Mark Villar

Lyka Manalo

Nais ipagpatuloy ni Senator Mark Villar ang pagkakaroon ng mga bike lanes sa buong bansa  dahil bukod sa makakatipid sa gasolina, malaking tulong ito sa kapaligiran at kalusugan ng mga tao.

Sa panayam ng mga mamamahayag sa Batangas, sinabi ni Villar na nararapat bigyan ng right of way at lagyan ito ng divider para mas ligtas ang mga nagbibisekleta.

“Dapat mag-invest ang government for additional lanes para maging feasible ang bike lane (program)” ayon kay Villar.

Kamakailan ay nagfile si Villar sa senado ng Bicycle Act of 2022. Ang pagkakaroon ng mga bike lanes ay kaniyan sinuportahan noong  kalihim pa siya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nakasaad sa panukalang batas ang mga karapatan ng mga bicycle riders at ang pagtatayo ng  Local Bikeway Office (LBO) under city at municipal engineering offices.

Samantala, bilang chairman ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship sa senado, isusulong ni Villar ang mga panukalang batas na makakatulong sa mga Small and Medium Enterprises (SMEs) at makapagbigay ng maraming trabaho.

Nais din niyang ipanukala na  isama ang entrepreneurship sa kurikulum ng mga paaralan upang magkaroon ng kaalaman ang mga estudyante sa pagnenegosyo.

Naging guest speaker si Villar sa graduation ceremony ng Senior High School ng University of Batangas. Ito ay ginanap sa Batangas City Sports Coliseum noong Miyerkules, Hulyo 27.

P5.5 BILYONG PONDO PARA SA TAONG 2022 INAPRUBAHAN NG QUEZON SP

Allan Llaneta

Inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon ang nirepasong pondong gagamitin sa panahon ng panunungkulan  ni Quezon Governor Helen  Tan.

Ang pagpasa ng panibagong Annual Budget sa taong ito na may pondong nagkakahalagang P5,504,410,682.40 ay isinagawa sa special na sesyon noong Miyerkules.

Nag-ugat ang pagpapasa ng panibagong budget dahil sa kahilingan ni  Governor Tan sa mga taga – SP Quezon na bilisan ang pagpasa ng nasabing pondo.

Ang pondo ay gagamitin ng probinsya sa programang nakapaloob  sa Health, Education, Agriculture, Livelihood, Infrastructure, Nature at Good Governance ng kasalukuyang  administrasyon.

Matatandaang noong December 2021 ang  apat na bokal ng Sangguniang Panlalawigan ay nagpasa ng Annual Budget para sa taong 2022 habang ang walong bokal ay nasa ilalim ng animnapung araw na  preventive suspension.

Noong nakaraang Miyerkules ay  nagpasa ang mga bagong bokal   ng isang ordinansa na  nagpapawalang bisa sa  ipinasa noon ng apat na bokal na may Series number 01 – 2022  kaugnay sa dati na ring General Fund, Economic Enterprises at Supplemental Budget No. 1, na aprubado na uli ngayon.

ELECTION PROTEST NI SABILI VS AFRICA, IBINASURA NG COMELEC

EX Mayor Meynard Sabili / Lipa Mayor Eric Africa

Marlon Luistro

Lungsod  ng Lipa, Batangas – Ibinasura ng Comelec 2nd Division ang  election protest ni dating Lipa Mayor Meynard Sabili laban sa katunggaling si Mayor Eric Africa dahil sa kakulangan ng ebidensya at nilalaman.

Sa pitong pahinang desisyong inilabas ng poll body na pirmado ni Presiding Commissioner Marlon Casquejo at Commissioner Rey Dulay, sinabi nitong ang alegasyon ni Sabili kabilang na ang mga inilakip na affidavits ay pawang base sa mga personal na pagdududa, takot at pagpapalagay at hindi base sa  kung ano ang resulta ng nasabing eleksyon.

Binigyang diin nito ang pahayag ng nagpoprotesta kung saan sinabing ,”It is only through the  manual counting and/or conducting recounting of the ballots by way of this protest that the automated election system will be tested if indeed it delivered a fraud free election.”

Ayon sa Comelec, ito ay nagpapakita lamang na maging ang nagpoprotesta ay hindi tiyak kung talagang may nangyaring dayaan, iregularidad at anomalya sa May 2022 National at Local Elections.

Bigo rin aniya ang kampo ni Sabili na  mapatunayan ang alegasyon nito na ang malawakang pagkasira ng  vote counting machines sa lahat ng barangay sa Lipa City ay nagbigay daan sa pandaraya sa eleksyon, iregularidad at anomalya.

Dahil dito ay ibinasura ng Comelec Second Division ang election protest ni Sabili at inirefer sa Comelec Law Department para sa tamang imbestigasyon ang alegasyon hinggil sa nangyaring umanoy dayaan, iregularidad at anomalya noong nakaraang halalan.

Matatandaang noong Mayo 20 ay naghain ng election protest si Sabili para hilingin ang  manual / administrative recount ng mga balota at iba pang dokumento ng eleksyon sa lahat ng 333 protested clustered precincts sa lungsod ng Lipa.

Hiniling din niyang matapos ang mga pagdinig ay ipawalambisa ang pagkapanalo ni Africa bilang mayor at ideklara si Sabili bilang nanalong alkalde ng Lipa pero hindi ito kinatigan ng Comelec.

Batay sa official Comelec results ay nagwagi si Africa bilang mayor ng lungsod ng Lipa sa botong 138,674 laban sa katunggaling si Sabili na may 45000 boto at Retired General Nestor Sanares na may 6,018 boto.

Ikinagalak naman ng kampo ni Africa ang pagkakadismiss ng election protest ng kanyang katunggali.

“Ito ay isang testamento na ang mandato ng mga tao ay hindi maaaring balewalain sa pamamagitan ng puwersa, kasinungalingan at/o masamang motibo. Ang kalooban ng mga manghahalal ay palaging magiging pinakadakilang sandata ng ating demokratikong estado,” ani Africa sa  inilabas na  pahayag sa  kanyang official FB page noong Hulyo 19.

“Sa katunayan, ang desisyon ng Comelec ay muling nagpatunay sa lumang Mantra – “Ang Katotohanan ay Mananaig.”

Wala pang pahayag ang kampo ni Sabili sa nasabing desisyon ng Comelec.

KASONG MURDER, FRUSTRATED MURDER MARIING ITINANGGI NI TUY MAYOR CERRADO

📷 Jay Cerrado Facebook

Marlon Luistro

Tuy, Batangas – Mariing pinabulaanan ni Tuy Mayor Jose Jecerell “Jay” Cerrado ang mga kasong murder at frustrated murder na naunang inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) na isampa laban sa kanya.

“Sa amin pong pag-aaral ang lahat ng ito ay bunga ng mga alitan at pagkakaiba ng prinsipyo partikular sa usaping pulitika. Isang bagay na naging klaro sa lahat lalo’t higit dumaan ang isa sa pinakamasalimuot na halalan sa ating bayan,” ani Cerrado sa inilabas na pahayag sa kanyang official Facebook Page noong Hulyo 20.

Sa kabila nitoy pinili aniya niyang “huwag magpadalos-dalos sa mga desisyon at direksyon na ating tatahakin.”

Nasa proseso na aniya siya katuwang ang kanyang mga abogado ng masusing pag-aaral “upang maging handa sa anumang kahihinatnan ng usaping ito.”

“Sa huli umaasa at naniniwala po ako na mangingibabaw ang katotohanan at ang aking paniniwala at ng nakararami na ako ay isang pinunong may takot sa Diyos may paninindigan kalaban ng mga tiwali at may puso para sa nangangailangan,” dagdag pa ni Cerrado sa kanyang pahayag.

Matatandaang noong ika-19 ng Hulyo ay naglabas ng ulat ang ABS-CBN News  na pinakakasuhan ng  NBI Special Action Unit sa Office of the Provincial Prosecutor sa Batangas ng limang counts ng murder at 11 counts ng  frustrated urder  si Cerrado, dalawang police officials ng Tuy Police Station at dalawa pang tauhan umano ng alkalde.

Ayon sa report ginamit umano ng alkalde ang mga pulis sa kanyang bayan para “takutin at patayin ang mga supporter ng  kanyang karibal.”

Sa nasabing ulat na ipinalabas sa telebisyon ay nagsalita ang  isang alyas “Dale” na nakaligtas sa ambush sa sinasakyan niyang van kasama ang pamilya noong taong 2016.

Giit niya, nangyari ang pamamaril matapos nilang “bumaliktad at sinuportahan ang karibal ni Cerrado.”

Nasundan pa umano ng dalawang ambush kung saan namatay ang dalawa nilang kapatid at tatlong kaibigan.

Wika ng biktimang nagpakilala bilang  alyas Jobert,”Sa tingin ko  uubusin kami, papatayin din kami kaya naglakas loob na  kami na magkaroon ng hustisya.”

Mas lumakas ang kaso nang umamin aniya ang dating empleyado ng munisipyo na  nakita niya ang pulong ng opisyal at mga pulis at nakasama sa  ambush gamit ang  sasakyan ng  nasabing opisyal.

Gayunman ay maging siyay binantaan din umano kasunod ng  kanyang paghiwalay sa grupo.

Sa nasabing ulat ay nabanggit din ni NBI spokesperson Gisele Garcia na,” Ang mga biktima tinuturo ang mastermind, ang mayor. Mayroon ding isang witness na umamin sa partisipasyon sa krimen, mastermind ay ang mayor.”

PAGIGING LUNGSOD NG CALACA, PAGBOBOTOHAN NA SA IKA-3 NG SETYEMBRE

Marlon Luistro

Calaca, Batangas – Magsasagawa na ng plebisito sa darating na ika-3 ng Setyembre para pagpasyahan ng mga mamamayan kung magiging lungsod ang bayan ng Calaca.

Mismong si Mayor Sofronio “Nas” Ona ang nagbahagi ng nasabing balita sa kanyang official Facebook page noong Hulyo 11.

“Eto na po ang pinakahihintay ng sambayanang Calaqueño – ang maipahayag ang matamis na ‘Oo’ sa ating darating na plebisito sa pagiging City of Calaca!

I feel nothing but pride for our people and beloved town. Magkita-kita po tayo sa ating gaganapin na mga talakayan upang lalo pa ninyong maunawaan ang kahalagahan ng ating pagiging siyudad,” ani Ona sa kanyang pahayag sa kanyang official Facebook page.

Batay sa Comelec Resolution No. 10799 na inaprubahan ng Comelec en Banc noong ika-6 ng Hulyo, idaraos ang botohan sa Setyembre 3 mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon habang magsisimula naman ang bilangan mula alas-3 ng hapon hanggang sa matapos ito.

Isasagawa naman ang convening ng municipal plebicite board of canvassers nang hindi lalampas sa alas-6 ng gabi habang magsisimula naman ang canvassing ng mga boto at proklamasyon ng mga resulta ng plebisito sa alas-6 ng gabi hanggang sa matapos.

Sa araw ng botohan ay mahigpit na ipagbabawal ang pagdadala ng deadly weapon, pati na ang pagboto ng higit sa isang beses o pagsubstitute sa boto ng isa pa, gayundin ang soliciting ng mga boto o pagsasagawa ng anumang propaganda na pabor o di pabor sa yes or no vote sa loob ng polling place o 30 metro mula rito.

Mayo 26, 2021 nang lagdaan ni noo’y Pangulo Rodrigo Duterte ang Republic Act 10799 na nagkoconvert sa munisipalidad ng Calaca patungo sa isang component city na kikilalanin bilang “City of Calaca.”

Sakaling manalo ang yes votes ay ang Calaca na ang magiging ikalimang lungsod sa lalawigan ng Batangas kasama na ang Lipa City, Batangas City, Tanauan City at Sto. Tomas City.

The Levistes of Batangas 103 years in Public Service

by Derrick Manas

The 4th and 5th Generation of the Levistes in public service – Batangas Vice Governor Mark Leviste and his son, Vice Mayor Ronin Leviste of Lian,Batangas.

It all started in 1919, around 103 years ago when Don Gregorio Leviste became the first Mayor of Malvar, Batangas followed by Don Julio Leviste who was elected Mayor in 1926.

Don Julio Leviste’s son, Feliciano “Sanoy” Leviste was elected Governor in 1947 and stepped down in 1971, undefeated in 6 elections, the longest in Batangas history for 24 years.

The son of Governor Sanoy Leviste became Congressman in 1967 and Assemblyman in 1978, Cong. Expedito Malvar Leviste, whose mother Aurelia Malvar, was the eldest daughter of General Miguel Malvar.

The nephew of Governor Sanoy Leviste was elected Vice Governor in 1971. After the early demise of Governor Antonio Carpio in February 1971, he became the undisputed Governor of Batangas until 1981 – Gov. Tony Leviste, son of Don Lauro Panganiban Leviste, a brother of Governor Sanoy Leviste.

In 1971, another nephew of Governor Sanoy Leviste named Dr. Jose “Joey” Leviste Jr was elected Con-Con delegate including a cousin, Oscar Leviste. Dr. Joey Leviste’s brother became Provincial Board Member in 1988 until 1995 –Mario “Sanny” Leviste. They are the sons of Dr. Jose Leviste Sr, younger brother of Governor Sanoy Leviste.

In 2004, a grandson of Don Lauro Leviste and  a son of Mr. Conrad Leviste, former Chairman of the Bureau of Investments (BOI) was elected Board Member, and in 2007 became the youngest Vice Governor at the age of 29 — Vice Governor Mark Leviste.

Vice Governor Mark Leviste made a comeback in 2019 and is now on his unprecedented 5th term as Vice Governor of Batangas province at the age of only 44.

Recently, the Vice Governor’s eldest son won as Vice Mayor of Lian, Batangas – Ronin Leviste. At the age of 23, perhaps he is the youngest Vice Mayor in Batangas history.

MAYOR DIMACUHA, CONG. MARIÑO EMOSYONAL SA KANILANG PANUNUMPA

Lyka Manalo

Kapwa naging emosyonal at napaluha habang nagbibigay ng kanilang mensahe sina Batangas City Mayor Beverley Rose Dimacuha at asawa niyang si Congressman Marvey Mariño matapos manumpa sa kanilang mga tungkulin noong Huwebes (Hunyo 30).

Isinagawa ang Oath Taking Ceremony ng mag-asawa sa Convention Center kasabay ng iba pang nahalal na opisyal sa lungsod.

Unang nagpahayag ng mensahe si Cong. Mariño nang magpasalamat sa walang sawang suporta ng mga taga lungsod sa simula hanggang sa panghuli niyang termino.

Binanggit ni Mariño na nakakuha siya ng mahigit kumulang 69,000 na boto noong 2016, 132,000 noong 2019 at ngayong 2022 ay nasa 156,000 o 92% ang bomoto sa kaniya.

Ipinagmalaki rin nito ang pagkasungkit sa 17-0
na pagkapanalo ng kanilang grupo mula congressman, mayor, vice mayor, board members at mga konsehal noong 2019 at nitong nakaraang halalan.

Samantala, napahinto naman sa kaniyang mensahe si Mayor Dimacuha at hindi napigilang mapaluha nang mabanggit ang namayapang ama at dating alkalde na si Mayor Eddie B. Dimacuha.

Ikinuwento ng alkalde ang pagsusuot niya ng gintong relo ng kaniyang ama sa kaniyang panunumpa upang manatili pa rin ang presensiya nito. Ito aniya ang kaniyang huling termino subalit unang pagkakataon na wala na si Mayor Eddie.

Nangako ang alkalde na mamahalin niya ang mga taga lungsod tulad ng pagmamahal ng kaniyang ama sa kanilang mga kababayan.

Ibinahagi din ni Mayor Beverley ang mga programa at proyektong ilulunsad sa ilalaim ng kaniyang pamamahala sa huling termino.

Kabilang sa kanyang eight-point agenda ay ang mga sumusunod:

  1. Good Governance People-Centered Participation
    • Accelereation of Mayor’s Action Center Services
    • Increased CSO Accreditation and Organization of People’s Council
  2. Enhance Social Security and Stability
    • Provision of Monthly Pension for Qualified Senior Citizens
    • EBD PWD Program
    • Enhancement of Gender Equality and Moral Values Enrichment
    • Expanded EBD Health Program
    • Sustainable EBD Scholarship and Youth Development Program
  3. Expand Economic Opportunities and Productivity
    • Creation of the Office of the City Agriculturist
    • Updating/Adoption of the Local Investment and Incentive Code
    • Formulation/Adoption of a City Comprehensive Tourism and Cultural Heritage Master Plan
  4. Integrated EBD Housing Program Implementation
    • Updating/Adoption of the City Local Shelter Plan
    • On-site/Off-site Housing Program
  5. Infrastructure/ Utilities Development and Acceleration
    • Building/Construction of Disaster Resilient Infrastructure/Support Facilities
    • Water Accessibility and Sustainability
    • Building/Construction of Disaster Resilient Social Infrastructures
  6. Enhance Climate Change Adaptation/Mitigation and Disaster Risk Management
    • Completion of the Batangas City Command Center Project
    • Creation of the Department of City Disaster Risk Reduction and Management Office
    • Construction of San Isidro Integrated Evacuation Complex
    • Expansion of Solar Energy Project
  7. Enhance Environmental Management and Protection
    • Development of Tinga Labac EBD Eco-Park
    • Development of Wetlands for a Natural Waste Water/Septage Treatment Facility
  8. EBD E-Governance City
    • Database Management and Interconnectivity
    • Enhanced Local Financial Operation and Permitting Process
    • Computerized City Registry and Health Teleconsultation Services

INAUGURAL SESSION NG  SANGGUNIANG PANGLALAWIGAN NG QUEZON, IDINAOS SA BULWAGANG KALILAYAN

Allan Llaneta

Pinangunahan ni Quezon Vice Governor Anacleto ‘ Third ‘ Alcala ang unang sesyon ng Sangguniang panlalawigan kanina July 1.

Sa sesyon ay dumalo ang lahat ng nanalong Boardmember sa apat na distrito ng probinsya kasama ang tatlong ex-officio boardmermber.

Nagpahayag ng kanya kanyang pasasalamat ang bawat bokal sa lahat ng bomoto sa kanila.

Samantala naging matingkad naman ang naging talumpati ni Vice Governor Alcala dahilan sa mga planung niyang gawin sa ika-19 na Sangguniang Panlalawigan.

Una inako niyang tutukan ang agarang pagpapasa sa ordinansa at panukala para pa rin sa paglaban sa pandemya ng Covid-19.

Bibigyang pansin rin ni Alcala ang usapin ng basic social services, problema sa agrikultura sa probinsya at ang economic recovery.

Hahanapin rin umano ng solusyon ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina na pumapatay sa hanapbuhay sa sektor ng transportasyon.

At sa huli nanawagan si Alcala ng pakikipagkaisa sa lahat ng opisyales sa probinsya at sa mamamayan para malusutan ang lahat na kakaharaping problema ng lalawigan.