BALIKATAN PARA SA POLILLO GROUP OF ISLANDS, RELIEF OPERATIONS PATULOY

Ylou Dagos

Patuloy ang pagpadala ng pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng DSWD at pamahalaang panlalawigan ng Quezon ng mga tulong sa nasalanta ng Bagyong Karding sa Polillo group of islands.

Nasa mahigit 16,000 pamilya na ang nabigyan ng mga food packs sa 5 bayan ng Polillo, Burdeos, Panukulan, Patnanungan at Jomalig.

Nitong Lunes ng gabi, nasa 4,000 pamilya sa Patnanungan at mahigit 3,000 pamilya sa Jomalig ang unang nabiyayaan ng tulong.

Sinundan agad ito ng pagpapadala ng relief goods nitong Martes para sa nasa 4,000 pamilya sa Burdeos, 4,000 pamilya sa Panukulan at paunang 1,000 para sa Polillo.

Magkatulong na rin ang PNP at AFP sa agarang pagdadala ng mga relief goods.

Gamit ang mga mga helicopters ng Philippine Airforce, mula sa Villamor airbase sa Pasay kaagad inililipad patungo sa isla ang mga tulong na nagmumula sa DSWD.

Nakaantabay naman ang PNP sa isla para sila ang magdala sa mga bayan-bayan.

Ang mga relief packs ay naglalaman ng pagkain, tubig, mga gamot, at mga damit.

📷 📹 LA Ruanto / Quezon PNP

Maging ang mga pampasaherong RORO na bumibayahe patungo sa mga isla ay libreng tumulong na rin sa paghahakot ng mga relief packs na nanggagaling naman sa kapitolyo ng Quezon.

Maging ang bayan ng General Nakar na nasa mainland ng Quezon pero isa din sa grabeng napinsala ay hinatiran na din ng mga unang pangangailangan.

Kahapon sa special session ng Sangguniang Panlalawigan, isinailalim na sa state of Calamity ang limang bayan sa Polillo Group of Islands at ang bayan ng General Nakar.

6 NA BAYAN SA QUEZON PROVINCE ISINAILALIM NA SA STATE OF CALAMITY DAHIL SA PINSALA NG BAGYONG KARDING

Allan Llaneta

Isinailalim na sa State of Calamity ang anim na bayan sa Quezon dahilan sa malalang pinsala ng nagdaang Super Typhon Karding.

Sa special na session kahapon ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon, pinagtibay na malagay sa State of Calamity ang mga bayan ng Polillo, Patnanungan, Panukulan, Jomalig, Burdeos at General Nakar.

Ayon kay Quezon Vice Governor Anacleto 3rd Alcala, dahilan sa naaprubahan na ang state of Calamity pwede nang gamitin ang 30 percent Quick Response Fund ng provincial government para magamit sa mga nasalanta ng bagyo.

Sa ulat ni Quezon PDRRMO Dr. Mel Avenillla, dalawang katao na ang napaulat na nasawi sanhi ng bagyo.

Sa ngayon wala pa ring suplay ng kuryente sa isla ng Polillo.

Nasa limang libong kabahayan naman ang nasira sa nagdaang bagyo.

OPISYAL AT MGA RESIDENTE NG 1 BARANGAY SA BURDEOS, QUEZON, NANAWAGAN NG TULONG PARA SA AGARANG PAGBANGON NILA SA TRAHEDYA

Ylou Dagos

Isa ang Barangay Carlagan sa bayan ng Burdeos sa pinakamatinding napinsala ng Bagyong Karding nang maglandfall ito sa nasabing bayan na nasa isla ng Polillo noong Linggo ng hapon.

Batay sa datos PAGASA sa bagyong Karding, unang tumama ang sentro ng bagyo sa kalupaan sa northeast portion ng bayan ng Burdeos kung saan naroon ang islang Barangay ng Carlagan at dalawang katabi nitong Barangay ng Mabini at Bonifacio.

Kaya naman ayon sa Quezon PDRRMO, halos 95% ng mga kabahayan dito ang nawasak.

Maging ang kanilang mga bangkang pangisda na siyang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente doon ay halos wasak ding lahat matapos ang mga itong ipaghampasan ng malalaking alon ng karagatan.

Hindi rin nakaligtas sa lupit ng bagyo ang kanilang eskwelahan at covered court nito.

Kaya dahil sa kawalan ng pag-asa sa nakapanlulumong pangyayari, nananawagan na ang kanilang punong barangay na si Jake Lape sa lahat ng puwedeng tumulong na tulungan sila na makaahon sa trahedyang kanilang sinapit.

Damit, pagkain, tubig at mga kagamitan para mabuo muli ang kanilang mga tahanan ang hinihiling ng kapitan para sa kanyang mga kabaranggay.

Kailangan din nila anya ng kahit anong mapagsisimulan para sila makabangon.

Sa ngayon anya ay wala silang pinagkukunan ng kanilang mga pangangailangan kundi ang mga paunang tulong na ibinigay ng DSWD at pamahalaang panlalawigan at at ang kanilang napakaliit na budget ng barangay para sa quick response.

Nagpapasalamat din ang kapitan sa mga indibidwal na nagpapadala ng tulong sa kanila.

Pero ayon sa punong barangay, hindi sasapat ang mga relief goods na kanilang natatanggap ngayon sa mahaba pang panahon na kanilang kakailanganin para sila makabalik sa normal na buhay at paghahanapbuhay.

Kayat bukod sa mga relief goods, hiling ng punong barangay sa lokal at nasyunal na pamahalaan at sa iba pang LGUs na mapagkalooban sila ng mga pansamantalang mapagkikitaan para hindi sila aasa na lamang sa mga relief goods hindi rin nila alam kung hanggang kelan tatagal.

TULONG PARA SA MGA NASALANTA NG BAGYONG KARDING SA POLILLO ISLAND INIHATID NA

📷 Quezon LGU

Ylou Dagos

Inihatid na sa isla ng Polillo ang ibat-ibang mga relief goods na ipamamahagi sa mga residente na naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Karding.

Kanina ay dumating na sa Polillo port sakay ng RORO ang karagdagang mga food packs na ihahatid sa bayan ng Burdeos, isa sa mga bayan sa isla at isa sa pinakagrabeng nagtamo ng pinsala.

📷 Quezon LGU

Nasa 4,000 food packs ang nagmula sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon at 2,000 food packs naman ang nanggaling sa DWSD.

Ayon sa Quezon PDRRMO, aabot na sa 13,900 family food packs ang naipadala na sa isla matapos humagupit ang Bagyong Karding.

📷 Quezon LGU

Pero ayon kay Quezon Governor Angelina Tan, nasa mahigit na 50, 000 pamilya ang nangangailangan ng tulong sa mga bayan sa Polillo Group of Island, (Polillo, Burdeos, Panukulan, Patnanungan at Jomalig) at sa REINA Area (Real, Infanta at General Nakar) na mga biktima ng typhoon Karding.

Kaya humihiling ito kay DSWD Erwin Tulfo ng karagdagan pang tulong.

📷 Quezon LGU

Nagpasalamat din ang gobernador kay Sec Tulfo at DSWD, maging sa DILG sa patuloy na pagdamay sa mga biktima ng bagyo sa lalawigan.

Nakipag-usap na rin si Tan sa AFP Southern Luzon Command (SOLCOM) na nakabase sa Lucena City para sa mabilis na maihatid ang mga relief goods sa mga isolated areas sa pamamagitan ng mga chopper ng AFP.

📷 Quezon LGU

Kahapon ay nagtungo mismo si Tan sa mga naapektuhang bayan at personal na binisita ang mga residente.

Samantala, nagpadala na rin ng mga relief goods sa bayan ng Burdeos ang Angat Buhay Foundation ni dating VP Leni Robredo.

📷 Quezon LGU

Sa bayan naman ng Polillo, lubos ang pasasalamat ni Mayor Angelique Bosque sa mga NGO’s at iba pang indibidwal na nagkaloob na rin ng mga relief goods para sa nasabing bayan.

Sa Sangguniang Panlalawigan naman ng Quezon, idineklara na ang State of Calamity sa mga naapektuhang bayan base na rin sa rekomendasyon ng PDRRMO at ni Gov. Tan.

CLASSES IN ALL LEVELS, WORK IN GOV’T, PRIVATE OFFICES IN QUEZON SUSPENDED ON MONDAY

Sonny T. Mallari

Classes in public and private schools as well as work in government and private offices in Quezon province on Monday, Sept. 26, have been suspended due to super typhoon Karding (international name: Noru).

Governor Angelina Tan, in Memorandum Circular 006 issued on Sunday, Sept. 25, said classes in all school levels in the province, including Tayabas City and Lucena City, are suspended on Monday.

A copy of the order was posted on the Facebook page of the Provincial Government of Quezon.

“Work in government and private sector are likewise suspended on 26 September 2022 except those offices whose mandate pertains to delivery of health services, maintenance of peace and order, and disaster preparedness and response,” Tan said.

Tan cited the latest weather bulletin released before noon Sunday, which stated that the center of the eye of “Karding” was estimated some 175 kilometer east of Infanta, Quezon, packing maximum sustained winds of 195 kilometers per hour (kph) near the center with gustiness of up to 240 kph.

On Saturday night, Sept. 24, Tan placed the provincial disaster management operation center on red alert status.

Tan also ordered the Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council and their local counterparts to heighten the monitoring of their respective areas of responsibility and immediately provide situational reports.

The Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) said tropical cyclone wind signal (TCWS) No.5 has been raised over Polillo Island and the extreme northern portion of Quezon (the northern and central portions of General Nakar, and the northeastern portion of Infanta).

TCWS No. 4 is up over the northern portion of Quezon (the rest of General Nakar, the rest of Infanta, Real).

TCWS No. 3 is up over the rest of the northern portion of Quezon (Infanta, Real, General Nakar, Mauban), whicle TCWS No. 2 was hoisted over the central part of Quezon and TCWS No. 1 over the rest of the province.

PRO CALABARZON, NAKAALERTO SA PANANALASA NG BAGYONG KARDING

Inalerto ngayon ni PBGEN Jose Melencio C Nartatez, Jr ang buong pwersa ng Police Regional Office CALABARZON sa pagtama ng “Bagyong Karding” sa kalupaan kung saan inaasahan itong tatama sa mga lugar kabilang ang Lalawigan ng Laguna at Quezon at magdudulot ng malakas na hangin at ulan.

Ang PAGASA ay naglabas ng babala kaugnay ng Bagyong Karding kung saan patuloy itong lumalakas pakanluran patungong hilagang bahagi ng Quezon hanggang katimuran ng lalawigan ng Aurora na may dalang napakalakas na hangin na umaabot sa 220 kilometro kada oras sa loob ng 12 oras.

“Inatasan ko na ang bawat police unit dito sa ating rehiyon upang paghandaan ang paparating na bagyo. I have already placed PRO CALABARZON under heightened alert level in adherence to the directive of the national headquarters through our Chief PNP, PGEN Rodolfo S Azurin, Jr, ” banggit ni PBGEN Nartatez.

“We have already issued warning among our residents especially those who are living in the low lying areas for possible flood through our local police in these areas while preparing all equipment and mobilization in response for possible evacuation, search, and rescue efforts,” dagdag pa nito.

Ang kapulisan ng CALABARZON ay mananatiling alerto sa ganitong mga pagkakataon. Gagawin namin ang lahat upang masiguradong ligtas ang ating mamamayan.”

Ang Super Typhoon Karding ay inaasahang tatama sa kalupaan ngayong hapon sa isla ng Polillo, Quezon at ngayong gabi sa hilagang bahagi ng Quezon at timog na bahagi ng Aurora.

Nakataas na ang signal no 4 sa mga nabanggit na lugar at pinag-iingat ang lahat ng residenteng direktang maapektuhan ng Bagyong Karding.

QUEZON PROVINCE NAGHAHANDA SA POSIBLENG PAGTAMA NG BAGYONG KARDING

Ylou Dagos

Bilang paghahanda sa posibleng pagtama at pananalasa ng Typhoon Karding sa lalawigan ng Quezon ay kaagad na nagsagawa ng pagpupulong ang Provincial Disaster Risk Assesment Council sa pangunguna ni Governor Angelina Tan at iba pang sangay ng gobyerno nitong Sabado ng hapon.

Ayon sa pag-uulat ni Dr. Mel Avenilla, Provincial Disaster Risk and Reduction Management Office Head, ang Polillo group of island na binubuo ng limang bayan ang posibleng maging pinakaapektado ng paghagupit ng bagyo.

Batay sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, nasa ilalim na ng TS signal number 3 ang he extreme northern portion ng Quezon kasama ang mga bayan ng General Nakar, Infanta at Polillo Islands.

Binigyang diin ni Governor Tan ang kahalagahan ng Pre-emptive Evacuation at inatasan nito ang Provincial Social Welfare Development Office na maagap ayusin ang pagkakasa ng mga ayuda na magmumula sa Pamahalaang Panlalawigan.

Sinuspinde na rin ng Philippine Coast Guard – Northern Quezon ang mga biyahe ng mga barko mula Real port patungo sa mga isla sa mga bayan ng Pollillo, Panukulan, Burdeos, Patnanungan at Jomalig.

Maging ang mga biyahe ng barko mula sa Atimonan patungo sa Alabat island ay sinuspende na rin ng PCG. Ganoon din ang mga biyaahe ng Barko mula sa Lucena Port papunta ng Marinduque at Masbate.

Inabisuhan na rin ang mga mangingisda na huwag na munang pumalaot sa mga nasabing lugar.

Nanawagan din si Tan sa mga mayor na paghandaan ang bagyong parating at bigyang atensyon ang ayuda sa maliliit na mangingisda upang hindi na magpumilit pang makipagsapalaran sa paglaot at salubungin ang malalaking alon sa karagatan.

SINGIL SA KURYENTE NG BATELEC 2, MULING BUMABA NGAYONG SETYEMBRE

Marlon Luistro

Lungsod ng Lipa, Batangas – Sa ikalawang sunod na buwan ay muli na namang magbababa ng singil sa kuryente ang Batangas Electric Cooperative 2 (Batelec 2).

Ayon sa inilabas na pahayag sa official Facebook page ng kooperatiba noong ika-21 ng Setyembre, sinabi ng pamunuan ng Batelec 2 na magbababa ang singil sa kuryente sa residential consumers mula sa dating P14.0506 kada kilowatt hour noong Agosto 2022 patungo sa P13.8024 kada kWh ngayong Setyembre.

Bababa rin ang singil sa mga commercial consumers mula sa dating P13.6850 kada kilowatt hour noong Agosto 2022 patungo sa P13.3866 kada kWh ngayong Setyembre.

Samantala, tinatayang nasa P0.2482 kada kilowatt hour naman (kWh) ang ibinaba ng singil para sa residential consumers habang P0.2984 kada kWh naman ang itinaas para sa commercial – low voltage consumers.

Ayon sa Batelec, nagkaroon ng bahagyang pagbaba sa residential rate para sa buwan ng Setyembre dahil na rin sa pag blend ng bagong power supplier ng BATELEC II at murang presyohan sa wholesale electricity spot market (WESM) na nag pagbaba ng presyo Generation cost.

Ipinaliwanag din ng Batelec na ang generation charge ay isang pass-through charge o ipinapasang singil at nagsisilbing collector lamang ang kooperatiba ng nasabing bayarin.

Muli namang nagpaalala ang kooperatiba sa mga konsumidores na maging masinop sa paggamit ng kuryente.

BAYAN NG LEMERY BATANGAS, NALUBOG SA BAHA

📷 Jovito de Castro and Agoncillo MDRRMO

Ylou Dagos

Nalubog sa tubig-baha ang maraming lugar sa bayan ng Lemery, Batangas dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan nitong Biyernes ng gabi.

Tubig na may kasamang mga putik at iba pang mga debris ang rumagasa sa maraming lugar sa Lemery.

Umabot din sa loob ng mga kabahayan ang baha.

Nitong Biyrenes ng gabi ay binayo ng malalakas na pag-ulan ang mga bayan na nasa bahagi ng central Batangas kabilang ang Lemery, Calaca, Agoncillo at iba pa na halos ay mga nakapaligid sa Taal volcano.

Ayon sa mga lokal na opisyal ng bayan, epekto pa ng pagsabog noon ng Taal Volcano  ang mga putik na tinatangay ng baha kapag umuulan.

Ito rin umano ang dahilan ng pagbara sa mga dating daluyan ng tubig sa mga gilid ng highway.

Nagdulot din ng matinding pagbigat ng daloy ng trapiko ang baha na inabot pa ng Sabado ng umaga.

Matapos humupa ang baha  Sabado ng magtatanghali, tambak naman ng basura ang iniwan nito sa maraming lugar.

Agad namang nagsagawa ng paglilinis ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan sa mga naapektuhang lugar.

Samantala, sa bayan ng Agoncillo, nabalot naman ng makapal na putik ang maraming kalsada  dahil din sa malalakas na pag-ulan.

Ayon sa MDRRMO ng Agoncillo, nagkaroon ng makakapal na soil deposits sa Agoncillo-Laurel Circumferential Road dahil sa mga  landslide at mudslide kungsaan ang mga putik ay rumagasa at  tinangay ng mga baha patungo sa mga kalsada.

Ayon pa sa MDRRMO, dahil sa walang tigil na pag-ulan, lumambot ang mga lupa  at mga tumigas na abo na ibinuga ng Taal volcano noong sumabog ito noong 2020 na  natambak sa mataas na  lugar.

Kabilang sa mga apektadong lugar ay ang mga Barangay ng Subic Ilaya , Barangay Panghulan, Binilbiwang  at San Jacinto na siya ding mga barangay na grabeng pininsala nang pagsabog noon  ng Bulkang Taal.

Kaagad namang nagtulong ang Municipal Engineering Office  at mga mga opisyales ng Barangay para matanggal ang mga natambak na putik.

SA BOOSTER PINASLAKAS INILUNSAD NA SA QUEZON PROVINCE

📷 Allan Llaneta

Allan Llaneta

Inilunsad na sa lalawigan  ng Quezon ang programa ng Department Of Health na “SA BOOSTER PINASLAKAS”.

Layon ng programa na  mabigyan ng booster shots ang mga mamamayan sa Quezon  partikular na ang mga

senior citizen at mga may comorbidity.

Ayon kay Quezon Governor Dra. Helen Tan sisikapin nilang mas mapataas pa ang bilang ng mabibigyan ng booster shot sa Quezon dahil batay sa tala ng mga nabakunahan sa Calabarzon Region, ang Quezon ang may pinakamababang bilang ng mga nabakunahan.

Sinabi naman ni Quezon Integrated Provincial Health Officer Head Dra. Christine Villasenior na tuloy ang mga ginagawang nilang pagbabakuna sa iba’t ibang lugar sa Quezon partikular sa lungsod ng Lucena.

Sa kasalukuyan umano  ay hindi pa umaabot sa 90% na target ng probinsya ang nabigyan ng booster shot.

Sa huli nanawagan si Dra Villasenior sa mga mamamayan ng lalawigan na magpa booster shot na para na rin sa kaligtasan ng lahat sa Covid 19 virus.