WOMEN AND GIRLS IN SPORTS TOURNAMENT ISINAGAWA SA TAYABAS

📷 CICRO Tayabas

Vanessa Gonzales

Mahigit dalawang daan at limampung (250) kababaihan ang lumahok sa Women and Girls in Sports Tournament sa Silungang Bayan ng Tayabas na pinangunahan ni Philippine Sports Commision (PSC) Commissioner Celia Kiram noong ika-2 ng Hunyo 2022.

Hinati sa anim (6) na koponan ang mga kalahok at kabilang sa mga larong inihanda ay tradisyunal na patintero, tumbang preso, batuhang bola, tayakad sa kahoy at sack race. Kabilang naman sa ball games ang kickball, basketball at volleyball.

Matapos ang apat na araw na paligsahan, itinanghal na kampyon ang Team 4.

Ang Women and Girls in Sports Tournament ay pinamahalaan ni Sarah Zagala at ng bumubuo ng Tayabas City Sports Development Section katuwang ni Commissioner Celia Kiram, National Coordination Judith Laygo at Secretary Katherine Chan.

Dumalo rin sa pagbubukas ng paligsahan si Sangguniang Kabataan Federation (SKF) President Art Tristian Pontioso at nahalal na Vice-Mayor Lovely Reynoso-Pontioso, na siyang kumatawan at nagbahagi ng mensahe ni Mayor Ernida Agpi Reynoso.

NATIONAL INVITATIONAL SPORTS COMPETITION SWIMMING CHAMP, NAGBIGAY KARANGALAN SA LUNGSOD NG BIÑAN

Tricia Mirambil

Binati ng Biñan City Youth and Sports Development Office si Micaela Jasmin Mojdeh na nag uwi ng karangalan sa lungsod ng Biñan. Ilan sa mga awards na natanggap nito sa Swimming Competition ay ang 400 individual Medley (Gold), 200 individual Medley (Gold), 100 Butterfly (Gold), 50 Butterfly (Gold), at 100 Breaststroke (Gold).

Si Mojdeh ang nagwagi sa katatapos na National Invitational Sports Competition na ginanap sa Iloilo Sports Complex nitong ika-5 hanggang ika-7 ng Hunyo.

Ang nasabing kompetisyon ay bahagi ng proseso ng pagpili ng Philippine team para irepresenta ang bansa sa darating na 12th ASEAN School Games (ASG) sa Nobyembre 19-28, 2022.

Lubos ang paghanga ng mga residente ng Biñan sa nadalang karangalan ni Mojdeh para sa lungsod.

FEU CHEERING SQUAD TEAM CAPTAIN, NAGBIGAY KARANGALAN SA CALAMBA CITY

📷 Gov. Ramil L. Hernandez

Tricia Mirambil

Niyanig ng Far Eastern University Cheering Squad ang 2022 UAAP Cheerdance Competition para wakasan ang 13-taong championship drought noong Linggo sa Mall of Asia Arena.

Lubos na pagbati at paghanga ang ipinaabot ni Laguna Gov. Ramil L. Hernandez sa grupong nagwagi at sa Team Captain na si Monica Leila Belo na nagmula sa Calamba City, Laguna.

“Ipinagmamalaki natin ang angking husay at talento ng mga kabataang Lagunense sa iba’t-ibang larangan, ” ani Hernandez.

Nalampasan ng FEU Cheering Squad, na nanirahan sa back-to-back runner-up finish sa nakalipas na dalawang season, sa pamamagitan ng rock n’ roll inspired performance para sa unang kampeonato nito mula noong taong 2009.

Talaga namang nagpakita ng kahusayan ang FEU Cheering squad matapos ang dalawang taong pahinga dahil sa pandemya. Ang kanilang pagtatanghal ay limitado lamang sa 15 performers at tatlong minuto nang walang presensya ng mga drummer.

CHESS TOURNAMENT PARA SA MGA BATA ISASAGAWA SA ALITAGTAG

📷 Mayor Edilberto “Dingdong” Ponggos

Maria Katrina E. Garcia

Sa pangunguna ng lokal na pamahalaan ng Alitagtag, isasagawa ang Alitagtag Chess Tournament na bukas para sa lahat ng batang Alitagtagueño na may edad na 14 at pababa.

Magaganap ito sa dika-12 ng Hunyo, araw ng linggo, sa munisipyo ng Alitagtag at magsisimula sa ganap na 8:00 ng umaga.

Layunin ng nasabing torneo na maipamalas ang natatanging kakayahan at talino ng mga kabataang Alitagtagueño pagdating sa larangan ng chess at upang makabuo ng isang grupo na makakapagpaunlad ng kanilang talento.

Sa mga Alitagtagueño na nais lumahok, maaring magpalista sa numerong 09284902413 hanggang ika-10 ng Hunyo, araw ng Biyernes. Para sa iba pang mga katanungan, maari din kontakin ang nabanggit na numero.

TEAM LEMERY, BAGONG KAMPYEON SA CHOSEN FEW CUP 2022 INTER-TOWN 17 BASKETBALL LEAGUE NG UNANG DISTRITO NG BATANGAS

Kristalane May H. Napoles

Matagumpay na naisagawa ang Chosen Few Cup 2022 Inter-Town Basketball League ng Unang Distrito ng Batangas noong ika-3 ng Hunyo 2022 sa Nasugbu Batangas.

Mapalad na nasungkit ng Team Lemery ang Kampeonato laban sa Team Calaca, sa score na 84-73. Nakamit ng Team Lemery ang 2-1 na karta sa Best-of-3 na Championship.

Samantala, itinanghal na Finals MVP si Von Matthew De Ramos na mula sa Barangay Wawa Ibaba, Lemery Batangas.

Gayundin, ipinaabot ng Pamunuan ng Bayan ng Lemery Batangas sa pangunguna ni Mayor Geraldine Ornales ang pasasalamat sa DLTB.Co at kay Konsehal Joey Vergara na syang naging daan upang magkaroon ng libreng sakay sa dalawang bus ang mga kababayang Lemereño na nanuod at nagbigay suporta sa nasabing Championship Game.

BATANGUEÑA, BRONZE MEDALIST SA SEA GAMES

📷 PSC

Ira Claire E. Marasigan

Bigo mang madepensahan ang kaniyang korona, nagtapos sa ikatlong pwesto si Jamie Christine Lim matapos patumbahin si Murugeesan Mathivani ng Malaysia, 1-0, sa women’s individual kumite minus-61 kg ng 31st Southeast Asian (SEA) Games sa Hanoi, Vietnam, ika-18 ng Mayo.

Natalo ang dating kampeon laban sa pambato ng host country na si Nguyen Thi Ngoan, 2-7.

Si Jamie ay anak ni Atty. Darlene Berberabe, dating Pag-Ibig Fund CEO, at PBA Skywalker at SEAG champion Samboy Lim.

BATANGAS CITY, PINATAOB ANG PASIG SA MPBL

📷 Palakat Batangas City

Jemina Marie Daplin

Pinatunayan ng Batangas City Embassy Chill ang kanilang angas sa larong basketball nang masungkit ang ikalawang pagkapanalo laban sa Pasig Sta. Lucia Realtors, 67-60, sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na ginanap sa Batangas City Sports Coliseum noong Mayo 17.

Nagpakitang-gilas ang main man, Cedrick Ablaza, at ang center na si John Amboludto na humablot ng tig-12 puntos.

Di rin nagpatinag si Jeckster Apinan na nagbigay ng 10 puntos, anim na rebounds, at dalawang assists sa Chillers.

📷 Palakat Batangas City

Sa kalagitnaan ng laro ay nangunguna ang Realtors, 34-32, sa pamumuno ni Carlo Lastimosa. Ngunit nabawi ito ni Apinan at ex-PBA player, Levi Hernandez sa 3rd quarter nang sila ay tuloy-tuloy na umiskor para sa Chillers hanggang sa lumobo ang lamang ng 13 puntos.

Natapos ang 3rd quarter na lamang ang Batangas City, 55-42. Naging hudyat ito ng pagkawala sa momentum ng Realtors habang ang Chillers ay tuloy sa pagdakdak.

Nakabawi man ang Pasig ng 18 puntos, sa tulong ni Jason Melano, ngunit nadagdagan pa rin ni Lastimosa ang lamang ng Batangas team ng 17 puntos.

Ang pagkapanalong ito ng Chillers ang siyang nagdala sa kanila sa top spot kasama ang Bacolod Bingo Plus, na parehas may 2 wins at 0 loss.

Gaganapin sa Batangas City Coliseum ang MPBL games at ipapalabas nang live sa One PH channel tuwing Lunes at Martes nang 9pm.

SPORTS FACILITY HUB CENTER SA ANTIPOLO, RIZAL, PINASINAYAAN

📷 Jun-Andeng Ynares

Jemina Marie Daplin

Nagsagawa ng inauguration ng pagtatayo ng Sports Facility Hub Center sa Barangay Mayamot, Antipolo City, Rizal noong Mayo 5, 2022.

Ang hub center ay nakalaan upang mabigyan ng espasyo ang pag-eensayo ng mga libo-libong atleta sa iba’t-ibang sports tulad ng Volleyball, Basketball, Badminton, Table Tennis, Boxing, Jiu Jitsu, Taekwondo, Karate, Judo, Gymnastics, E-Sports, Sports Dancing, at marami pang iba.

Simula Hunyo ay libre ang lahat ng mga lesson na mismong mga professional coaches ang magtuturo kung hindi tataas ang kaso ng COVID-19.

Ang nasabing hub center ay iba pa sa katabing itinatayong Sports Facility Building na kapwa proyekto ng AGIMAT Partylist

LGU TIAONG, KAMPEON SA GOVERNOR DES CUP 2022!

📷 Danilo E. Suarez

Pia Abrigo

Pinadapa ng LGU Tiaong Basketball Team ang LGU Tayabas sa final round ng 2022 Governor Danilo E. Suarez Cup Inter-LGU Homegrown Basketball Tournament kahapon, May 6, 2022, sa Quezon Convention Center.

Nagtapos ang laban at nakapagtala ng 56 puntos ang koponang kalaban na Team Tayabas samantala 78 na puntos naman ang Tiaong na nagdala sa kanilang pagkasungkit sa championship title ng Governor DES Cup 2022.

Kinilala naman na Most Valuable Player at 1st Mythical 5 player si Jordan Faller at Best Coach si Chito Oabel mula sa Team Tayabas.

Nagpasalamat si Gov. Danilo Suarez at Coach Jonas Guiao ng tanggapan ng Provincial Sports office sa matagumpay na pakikilahok ng bawat koponan sa naganap na liga.

AUTO GROOM BIKE CHALLENGE 2022, ISINAGAWA SA BATANGAS CITY

Photo: Palakat Batangas City

John Paul Villanueva

Nasa 175 bikers mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang dumalo sa kauna-unahang Auto Groom Bike Challenge 2022 na ginanap sa barangay Dumantay grounds noong Mayo 1.

Ang nasabing torneo ay pagsuporta sa mga mahihilig sa biking na itinuturing na isa sa mga sikat na libangan ngayon.

Ayon kay Macario Alo, organizer ng bike challenge, may walong categories na maaaring salihan ang mga competitors.

Ito ay ang MTB Open, Road Bike Open, Beginner Road Bike Open, Beginner Mt. Bike, Ladies, 40 and above, MTB Residents, at Road Bike Batangas Residents.

Ilan sa mga nagwagi ay sina Erickson Delos Santos para sa MTB Open Category, Jesse Garcia sa 40 and above, Emmanuel Garcia para sa Beginner, Javi Celemin para sa Beginner at Open Category, Macario Platilla Jr para sa Open Road bike at Myla Pesigan para sa Ladies Category.

Samantala, nagsilbing sponsors  ng nabanggit na bike tournament sina Mayor Beverley Rose Dimacuha at Congressman Marvey Marino.