ITATAYONG DISTRICT HOSPITAL SA LUMANG MUNICIPAL HALL NG BALETE, APRUBADO NA

Jennica D. Escrupulo

Isa sa mga programa na nais maisakatuparan ni re-elected Hon. Mayor Wilson Maralit ng Balete sa Batangas ay ang pagpapatayo ng kauna-unahang ospital sa Munisipalidad ng Balete.  Sa tulong ni re-elected Gov. Dodo Mandanas, ipinangako niya na maisasagawa ito kapag siya ay muling naupo at nanalo sa lalawigan.

Batay sa nangyaring pagpupulong nina Gov. Mandanas, upang hindi masayang ang aabandunahing lumang munisipyo matapos magawa ng Balete New Town Center, ito ay planong pagtayuan ng Balete District Hospital.

Ayon kay Maralit, mayroong nakatalagang mga kagamitan, doktor, nars, at hospital staff na ipagkakaloob ang kapitolyo ng Batangas.

MGA LABI NG 5 BATA NA NALUNOD SA TAAL, NAREKOBER NA

Photo from PCG Batangas

Narekober na pasado alas-9 ngayong umaga ang labi ng limang bata na nalunod sa Taal lake kahapon.

Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office, pasado alas dose ng tanghali kahapon nang mag-swimming ang limang bata sa lawa sakop ng Brgy. Sala sa bayan ng Balete, Batangas.

Isang testigo umano ang nagsabi na maya-maya lamang ay biglaang naglaho ang mga bata, pawang mga minor na edad 7-12, lahat ay residente ng Sitio Sto. Toribio, Brgy. Marauoy, Lipa City.

Kaagad nagsagawa ng search and rescue operation ang lokal na kapulisan kasama ang mga miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction Office at Philippine Coastguard.

Bandang alas tres kahapon, tumulong na rin sa search and rescue ang Philippine Airforce, Lipa City Disaster Risk Reduction and Management Office (LCDRRMO), Batangas City Risk Reduction and Management Office (BCDRRMO), Batangas Provincial Risk Reduction and Management Office (BPRRMO), Balete Bureau of Fire Protection (BFP), Balete Rural Health Unit, Local Government Unit at ilang local divers.

Pasado alas-5 ng hapon kahapon nang marekober ang labi ng dalawang bata.

Pansamantalang itinigil ang paghahanap alas-9 ng gabi at itinuloy kaninang 6:00am.

Bago mag alas-10 kaninang umaga ay narekober na rin ang labi ng 3 pang bata.

2 BATANG NALUNOD SA TAAL LAKE KINILALA NA

Photo from PCG Batangas

Arnell Ozaeta

BATANGAS – Matapos marekober ang katawan ng dalawa sa limang batang nagswimming sa lawa ng taal sakop ng Barangay Looc, Balete, Batangas kinilala na ng mga awtoridad

Magkasunod na narekober ng Search and Rescue Team ng Philippine Coastguard ang mga labi nila Sherin Ashtrid Rosa, 8 taong gulang at Jaime Rose Ann Jacutan, 12 taong gulang pawang mga residente ng Barangay Sto Toribio, Lipa City. 

Dinala na sa San Fernando Funeral sa Lipa City ang mga labi ng mga bata. 

Samantala, pinaghahanap parin ang tatlo pang nawawalang mga bata.