SULFUR DIOXIDE EMISSION SA BULKANG TAAL, TUMAAS

Marlon Luistro

Tumaas ang sulfur dioxide emission sa Bulkang Taal nitong Huwebes.

Sa inilabas na advisory ng Phivolcs kaninang alas-7 ng gabi, sinabi nitong nakapagtala ng 10,718 tonnes ng volcanic sulfur dioxide emission mula sa Taal Main Crater na lumikha ng volcanic smog o vog sa Taal Caldera.

Umabot din sa 6,612 tonnes kada araw ang average ng ibinubugang sulfur dioxide ng bulkan ngayong buwan ng Setyembre at patuloy na tumataas ang emission mula pa noong July 15, 2022.

Mula rin noong nakaraang buwan ay mayroong naobserbahang degassing activity sa proma ng upwelling ng volcanic fluids sa main crater lake at pagbuga ng naglalakihang mga steam rich plumes o usok na may taas na 2500 metro sa Taal Volcano Island.

Ngayong umaga ay namataan din ang vog ng mga residente ng bayan ng Laurel, Agoncillo at Sta. Teresita.

Babala ng Phivolcs, ang vog ay binubuo ng mga pinong droplets na naglalaman ng volcanic gas gaya ng sulfur dioxide na acidic at maaaring magdulot ng pagkairita ng mga mata, lalamunan at baga depende sa gas concentration at sa tagal ng exposure.

Sensitibo aniya sa vog ang mga may iniindang karamdaman gaya ng ashtma, lung disease at heart disease, senior citizens, buntis at mga bata.

Bilang pag iingat sa masamang epekto ng vog sa kalusugan ay pinapayuhan ang mga taong limitahan ang kanilang exposure, iwasan ang lumabas at manatili lamang sa loob ng bahay, isara ang pinto at bintana ng bahay para mablock out ang vog.

Pinapayuhan din ang mga taong magsuot ng N95 facemask, uminom ng tubig para mabawasan ang pagkairita ng lalamunan at kung kabilang sa mga sensitibong grupo ay bantayan ang sarili at humingi ng tulong sa doktor kung kinakailangan.

Ayon pa sa Phivolcs, maaari din aniyang mag-generate ng acid rain tuwing may pag-uulan at volcanic gas emission na maaaring makasira sa mga pananim at maapektuhan ang mga bubong ng bahay at gusali.

Nananatili naman sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal at naroon pa rin ang panganib ng steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquakes, minor ashfall at pagbuga ng nakamamatay na volcanic gas.

Kayat paalala ng Phivolcs, bawal pa rin ang pumunta sa Taal Volcano Island na idineklarang permanent danger zone lalo na sa mga lugar  ng main crater at Daang Kastila Fissure.

BARANGAY KAGAWAD PATAY SA PAMAMARIL SA ROSARIO, BATANGAS

Ylou Dagos

Patay ang isang barangay kagawad matapos na pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang salarin sa Rosario, Batangas nitong Miyerkules ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Ismael Rosales, 50 anyos, isang negosyante, tubong Brgy. Del valle, San Antonio, Quezon at residente at barangay kagawad ng Brgy. Salao.

Batay sa report ng Rosario police, dakong alas 7:00 ng umaga, nakikipag-usap ang ang biktima sa kanyang tiyo sa harap ng tindahan ng huli, nang dumating ang mga suspek.

Naglakad ang mga ito palapit sa biktima at saka bigla na lamang pinagbabaril.

Mabilis ding tumakas ang mga ito matapos ang pamamaril at tumakbo patungo sa naghihintay na motorsiklo hindi kalayuan sa tindahan.

Subalit nasira ang kadena ng motorsiklo kaya napilitan itong iwanan ng mga suspek.

Nagtamo naman ang biktima ng mga tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan na agad nitong ikinasawi.

Narekober sa crime scene 4 na basyo ng kalibre 45 baril.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam pa ng mga awtoridad sa motibo sa krimen at kung sino ang mga suspek.

Tinutunton na rin ng mga awtoridad kung sino ang may ari ng motorsiklo.

MALVAR MAYOR REYES, 2 IBA PA PINAWALANGSALA SA KASONG GRAFT

Mayor Cristeta Reyes

Marlon Luistro

Pinawalang-sala ng Sandiganbayan si Mayor Cristeta Reyes ng Malvar, Batangas at dalawa pang opisyal ng munisipyo sa kasong graft sa pagbili ng P6.65 milyong lote mula sa mga anak ni Reyes, ayon sa inilabas na  ulat ng  Manila Bulletin noong Setyembre 24.

Pinawalang-sala din ng fourth division ng korte sina Municipal Treasurer Yolanda F. Cabiscuelas at Municipal Budget Officer Jeanette C. Fruelda.

Matatandaang noong 2010 ay nagbayad ang munisipyo ng Malvar ng P6.65 milyon sa mga anak ni Reyes para sa 5,000 metro kuwadrado na lote na gagamitin sa pagtatayo ng isang national high school building.

Inakusahan ng prosekusyon na namagitan si Reyes sa kanyang opisyal na kapasidad bilang alkalde sa transaksyon kung saan siya ay may direkta o hindi direktang pinansiyal o pecuniary na interes.

Sa desisyon nito, walang nakitang legal na batayan ang anti-graft court para maipit ang lahat ng akusado para sa diumano’y pinsalang idinulot sa gobyerno, at binanggit pa na ang ari-arian ay napatunayang angkop at sumusunod sa mga minimum na kinakailangan sa pagtatatag ng national high. paaralan.

“Bagama’t hindi pinagtatalunan na binayaran ng munisipyo ng Malvar ang halagang P6,650,000 sa mga anak ni Reyes, dapat tandaan na ang titulo sa 5,000 metro kuwadrado na lote ay inilipat sa pangalan ng munisipalidad ng Malvar, bilang ebidensya sa pamamagitan ng TCT Nos. T-143966 at T-143968,” sabi ng desisyon.

Sa kasong ito, nabanggit ng korte na ang mga rehistradong may-ari sa simula ay hindi nagplanong ibenta ang isang bahagi ng kanilang ari-arian sa munisipyo.

Sinabi rin nitong tumanggi rin ang akusado na si Reyes na makialam sa transaksyon, at naganap lamang ang tuluyang pagbebenta matapos tanggihan ng Department of Education (DepEd) ang 2,000-square meter parcel ng lupa na donasyon ng barangay.

Ipinunto ng korte na ang katotohanan na ang akusado na si Reyes at ang mga may-ari ng lupa ay magkamag-anak ay hindi awtomatikong nangangahulugan na ang una ay may pinansyal o pecuniary na interes sa transaksyon.

“It is also worth highlighting that accused Reyes’ children have all attained the age of majority at the time the Deed was executed. Parental authority over their person and property had already terminated, making them qualified and responsible for all acts of civil life, including disposition of real property owned by them,” nakasaad din sa desisyon.

Isinulat ni Associate Justice Lorifel L. Pahimna ang 36 na pahinang desisyon na sinang-ayunan ni Fourth Division Chairperson Michael Frederick L. Musngi at Associate Justice Bayani H. Jacinto.

PRODUKTONG BATANGUENO BIDA SA DTI TRADE FAIR SA LIPA CITY

Lyka Manalo

Iba’t ibang produktong gawa ng mga Batangueño ang ibinida sa isinagawang opening ng trade fair ng Department of Trade and Industry (DTI-Batangas) noong Sabado, Setyembre 24.

Ang trade fair na may temang ‘Likha Galing Batangueño – a showcase of Batangas homegrown products ay bukas sa mga mamimili na matatagpuan sa ikalawang palapag ng SM City Lipa hanggang Setyembre 28.

Pinangunahan nina DTI-Batangas Provincial Director Leila Cabreros at Lipa City Councilor Mikee Morada ang ribbon cutting ng nasabing trade fair.

DEPUTY CHIEF OF POLICE NG BALAYAN MUNICIPAL POLICE STATION INARESTO DAHIL SA PANGONGOTONG

Ylou Dagos

Inaresto ng mga tauhan ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG)  ang Deputy Chief of Police ng  Balayan Municipal Police Station dahil sa reklamong pangongotong.

Si PCPT Ruben Marilag, kasalukuyang  naka-assigned bilang Deputy Chief of Police ng  Balayan ay inaresto sa entrapment operation ng mga operatiba ng IMEG, kasama ang mga tauhan ng  35th Special Action Company, PNP SAF, Balayan Municipal Police Station, at  Provincial Intelligence Unit ng Batangas Police Provincial Office mag aalas 5:00 Huwebes ng hapon sa  harap ng isang banko malapit sa kanilang police station.

Ayon kay Police Brig. Gen. Warren de Leon, acting director of PNP-IMEG, isinagawa ang pag-aresto kay Marilag dahil sa reklamo ng isang residente na umano ay hinihingan nito ng lingguhang  payola na  Php2,000.00 dahil sa akusasyon na nag-ooperate ito ng “loteng”,  na isang illegal number games.

Narekober kay Marilag ang marked money, service fire arm nito  at isang sumbrero na may artificial na buhok.

Dinala na ito sa PNP-IMEG headquarters in Camp Crame, Quezon City kung saan ito  nakadetine ngayon habang patuloy pa ang masusing  imbestigasyon.

Nahaharap ito sa kasong  robbery-extortion.

RIDER NG MOTOR, PATAY MATAPOS SUMALPOK SA TRAK SA BATANGAS CITY

Marlon Luistro

Dead on the spot ang isang motorcycle rider matapos na sumalpok sa trak sa may Bypass Road, Barangay Balagtas, Batangas City nitong Huwebes ng madaling araw.

Namatay sa aksidente ang driver na nakilalang si Daniel Chua, 26 anyos, residente ng nasabing barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-2:30 ng madaling araw, tinatahak lamang ng trak na minaaneho ni Felixberto Almarez ang daan patungong San Pascual nang sumalpok sa unahang bahagi nito ang motor.

Sa  lakas ng impact ay tumilapon sa kalsada ang motor at ang  driver na si Chua, na nagtamo ng head injuries at naging sanhi ng kanyang agad na pagkamatay.

Nasa kustodiya na ng Batangas City Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

SINGIL SA KURYENTE NG BATELEC 2, MULING BUMABA NGAYONG SETYEMBRE

Marlon Luistro

Lungsod ng Lipa, Batangas – Sa ikalawang sunod na buwan ay muli na namang magbababa ng singil sa kuryente ang Batangas Electric Cooperative 2 (Batelec 2).

Ayon sa inilabas na pahayag sa official Facebook page ng kooperatiba noong ika-21 ng Setyembre, sinabi ng pamunuan ng Batelec 2 na magbababa ang singil sa kuryente sa residential consumers mula sa dating P14.0506 kada kilowatt hour noong Agosto 2022 patungo sa P13.8024 kada kWh ngayong Setyembre.

Bababa rin ang singil sa mga commercial consumers mula sa dating P13.6850 kada kilowatt hour noong Agosto 2022 patungo sa P13.3866 kada kWh ngayong Setyembre.

Samantala, tinatayang nasa P0.2482 kada kilowatt hour naman (kWh) ang ibinaba ng singil para sa residential consumers habang P0.2984 kada kWh naman ang itinaas para sa commercial – low voltage consumers.

Ayon sa Batelec, nagkaroon ng bahagyang pagbaba sa residential rate para sa buwan ng Setyembre dahil na rin sa pag blend ng bagong power supplier ng BATELEC II at murang presyohan sa wholesale electricity spot market (WESM) na nag pagbaba ng presyo Generation cost.

Ipinaliwanag din ng Batelec na ang generation charge ay isang pass-through charge o ipinapasang singil at nagsisilbing collector lamang ang kooperatiba ng nasabing bayarin.

Muli namang nagpaalala ang kooperatiba sa mga konsumidores na maging masinop sa paggamit ng kuryente.

CELLPHONE SNATCHER, HULI SA BATANGAS CITY

Marlon Luistro

Lungsod ng Batangas – Sa kulungan ang bagsak ng isang umanoy snatcher na nahuli ilang oras matapos niyang tangayin ang Iphone 13 Pro ng babaeng sakay ng dyip sa Barangay Pallocan West noong Lunes.

Kinilala ang suspek na si Jojo Larga.

Sa inisyal na imbestigasyon, sakay ng jeep patungong SM City Batangas ang biktimang si Gian Carla Ramos nang tangayin ng suspek na nagpanggap na pasahero ng dyip ang nasabing cellphone na nagkakahalaga ng P70,000.

Matapos nito’y agad na bumaba ng jeep ang suspek at pumasok sa mall kayat hinabol ito ng biktima na humingi ng tulong sa pulis, na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek at pagkakarekober ng cellphone ng biktima.

Napag-alamang modus ng suspek at kasabwat nitong ilihis ang atensyon ng biktima sa pamamagitan ng pagtapon ng ketchup sa batok ng biktima.

Nakakulong na ang suspek sa Batangas City Police Station na nahaharap sa kasong theft.

FISH VENDOR PATAY SA PAMAMARIL NG RIDING IN TANDEM SA BATANGAS

Ylou Dagos

Patay ang isang fish vendor matapos na pagbabarilin ng 2 hindi nakilalang suspek sa Nasugbu, Batangas, Linggo ng madaling araw.

Ayon sa report ng Nasugbu police, dalawang witness ang nakarinig ng mga putok na nagmula sa isang kalsada sa Barangay 2 dakong alas 4:20 ng umaga.

Nang kanilang puntahan, naabutan pa nila ang dalawang suspek na papatakas sakay ng isang kulay itim na motorsiklo.

Nadiskubre din nila ang biktima na duguang nakabulagta sa kalsada at may mga tama ng baril.

Kinilala ito Nasugbu police na si Roderick Sierra, 40 anyos taga Barangay Wawa.

Ayon sa imbestigasyon, patungo sa pagkuha ng isda sa Balayan ang biktima nang ma flat ang service tricycle nito.

Itinutulak ng biktima ang kanyang nasiraang sasakyan ng pagbabarilin ito ng mga suspek.

Nagtamo ito ng mga tama sa katawan at 2 tama sa ulo na agad nitong ikinamatay.

Mabilis namang tumakas ang magkaangkas na suspek patungo sa direksyon ng JP Laurel national highway.

Inaalam pa ng mga kung ano ang motibo sa krimen.

Isinailalim na rin sa pagsusuri ng SOCO ang biktima.

DALAGA PATAY MATAPOS BARILIN NG RIDING IN TANDEM HABANG SAKAY NG TRICYCLE SA BATANGAS

📷 Tanauan City of Colors

Ylou Dagos

Patay ang isang dalaga matapos na barilin sa ulo ng riding in tandem suspect sa national highway sa Bgy. Santor, Tanauan City, Batangas Huwebes ng umaga.

Batay sa  imbestigasyon ng Tanauan City police, naka backride sa motor ng tricycle ang biktimang si Kee Sha Dela Rosa, 30 anyos, residente  ng Brgy. Janopol nang biglang sumulpot sa kanilang tagiliran ang motorsiklong sinasakyan ng mga  suspek.

Sinabayan ng mga ito ang tricycle at saka binaril ng isang beses sa ulo ang dalaga.

Agad tumakas ang mga suspek matapos maisagawa ang krimen.

Hindi na naisugod sa ospital ang biktima na kaagad binawian ng buhay sa mismong kanyang kinauupuan. 

Anggulong may kinalaman sa love triangle ang isang tinitingnang motibo sa krimen dahil, ayon sa mga imbestigador, may karelasyon umano ang biktima na isang lalaking mayroon ng pamilya.

Patuloy pa din ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam ang iba pang posibleng  motibo sa krimen.