2 PDL SA CABUYAO CITY JAIL, NASAWI DAHIL SA DIARRHEA

Ylou Dagos

Dalawang inmate o persons deprived of liberty (PDL) ng Cabuyao City Jail sa Laguna ang namatay dahil sa diarrhea.

Ayon sa BJMP, mahigit 80 PDL’s ang nagkasakit ng diarrhea dahil sa kontaminadong tubig sa loob ng jail facility.

Sa huling tala hanggang kahapon, Sept 22, nasa 28 ang diarrhea active cases, 52 ang nasa recovery stage, 2 ang nasawi at lima ang sumasailalim sa dextrose

Ayon kay BJMP spokesman Xavier Solda, sa ngayon kontrolado na ang diarrhea outbreak sa naturang jail facility.

Samantala nag bigay naman ng mga gamot ang Philippine Red Cross o PRC para sa mga PDL ng Cabuyao City Jail, tulad ng Oresol, Metronidazole antibiotics, iv fluids at underpads.

Nagbigay din ng 10,000 litro ng malinis na tubig ang PRC at water bladders na magagamit ng 657 PDL’s.

Inatasan na rin ni BJMP chief Allan Iral ang health service at ang warden ng Cabuyao City Jail na masusing i-monitor ang mga preso.

3 GCASH SCAMMER TIMBOG SA LAGUNA

Arestado si Jazer Del Mundo, isa tatlong suspek sa Gcash scammer sa Cabuyao Laguna (đź“· Cabuyao PNP)

Ylou Dagos

Natimbog ng mga awtoridad nitong Huwebes ang tatlong GCash scammer sa Cabuyao City Laguna na nambibiktima gamit ang social media ng iba.

Batay sa report ng Cabuyao City police, dumulog sa  himpilan ng pulisya nitong Huwebes ang biktimang si Andres Capacete kasama ang  kaibigang si  Estaphanie Jonem at ang isa pang babae  na  nalaman na siyang nag-encash ng pera sa utos ng dalawang suspek.

Nadiskubre ang pangyayari matapos singilin ni Jonem si Capacete sa inutang nitong pera na ipinadala ng una sa pamamagitan ng GCash.

Natuklasan ni Capacete na nagamit ng iba ang kanyang facebook noong Miyerkules ng gabi at nakapag message ito sa kanyang mga kaibigan, kasama na si  Jonem at nakapanghiram ng pera at ipinapa-send  sa isang GCash account.

Subalit sa pamamagitan ng tulong ng may-ari ng isang GCash encashment sa Brgy. San Cristobal kung saan nag-encash ng pera ay nahuli ang babae na siyang kumuha ng pera.

Pumayag namang maging testigo ang babae at itinuro ang dalawang mastermind.

Naaresto sa follow up operation ng mga pulis ang dalawang lalaking  mastermind  na nakilalang sina Jazer Del Mundo, 21 anyos,   at   Neil Patrick Magas.

Nasa kustodiya na ng Cabuyao police ang dalawa  at nakatakdang sampahan ng kaso.

NAILANG SA NAG-OVERTAKE, RIDER TIGOK SA NATUMBANG MOTOR

Ylou Dagos

Nasawi ang isang motorcycle rider nang ang motorsiklo nito ay matumba sa highway matapos lagpasan ng isang jeepney sa National road, Brgy. Banay-Banay, Cabuyao City, Laguna Huwebes ng gabi.

Kinilala ng Cabuyao police ang biktima na si Eduardo Castillo na idineklarang dead on arrival sa Ospital ng Cabuyao.

Batay sa report, dakong alas 9:30 ng gabi, magkasunod na tumatakbo ang dalawang sasakyan patungo sa isang direksyon nang lumagpas sa motorsiklo ang jeep na dumaan sa bahagi ng shoulder ng kalsada.

Ayon sa nakasaksi na isang pasahero ng jeep, nakita nito na nawalan ng kontrol ang rider sa kanyang motor pagkalagpas ng jeep at tumumba sa kalsada.

Hindi naman matiyak ng witness kung nasabitan ng jeep ang motorsiklo kaya nawalan ng panimbang ang rider.

Nakita pa anya nito na iniwasan pa ng jeep ang motorsiklo.

Agad ding isinugod ng driver ng jeep na si Risty Castro ang biktima sa ospital subalit wala na itong buhay ng idating dahil sa mga pinsala sa ulo at katawan.

Pansamantalang kinustodudiya ng Cabuyao City police ang driver ng jeep habang patuloy pa ang imbestigasyon.