HIGHWAY SA LAGUNA, NALUBOG SA BAHA DAHIL SA BAGYONG KARDING

📷 Raj Amor

Ylou Dagos

Binaha ang ilang bahagi ng national highway sa Manila East road sakop ng bayan ng Mabitac, Laguna dahil sa mga pag-ulan dulot ng bagyong Karding.

Ayon sa Laguna PDRRMO, nasa may kalahating kilometro ang haba ng kalsada na nalubog sa tubig-baha sa pagitan ng bayan ng Mabitac at Sta Maria.

📷 Raj Amor

Nagsimulang umanong tumaaas ang tubig dakong alas 2:00 ng madaling araw nitong Lunes matapos na huminto ang pag-ulan.

Nanggaling anya ang tubig sa matataas na bahagi ng lugar na kalapit lamang ng kabundukan ng Sierra Madre.

Dahil dito, stranded ang maraming motorista sa magkabilang dulo na patungo sa Metro Manila at Rizal galing sa   Laguna at Quezon at vice versa.

Tanging ang malalaking sasakyan lamang ang nakakalusot.

Hanggang kanina dakong alas 10:00 ng umaga ay nanatiling mataas ang tubig-baha.

Samantala maging sa town proper at 7 barangay ng  Mabitac ay nasa ilalim pa rin ng abot hanggang binti na tubig baha hanggang ngayon.

MAG-AMANG WANTED SA KASONG MURDER SA LEYTE, NADAKMA SA LAGUNA

📷 Laguna PNP

Ylou Dagos

Nagwakas ang tatlong taong pagtatago ng mag-amang wanted sa kasong murder at attempted murder sa probinsya ng Leyte matapos na ang mga ito ay matunton ng mga awtoridad sa kanilang pinagtataguan sa Calauan, Laguna.

Batay sa report ng Laguna PNP, magkasunod na naaresto sina Richard Palconit, 34 anyos, at ang tatay nito na si Felimon Palconit, 69, sa dalawang operasyon sa Barangay Dayap noong Miyerkules at Huwebes.

📷 Laguna PNP

Ang mag-ama na  parehong taga Brgy. Toctoc, Leyte ay kapwa wanted sa mga kasong murder at 3 counts ng attempted murder na isinamapa noong July 17, 2019.

Inaresto ang mga ito sa bisa ng warrant of arrest mula sa Regional Trial Court Branch 36 – Carigara, Leyte.

Batay sa record ng pulisya, nangyari ang krimen noong 2019 sa nasabing probinsya  subalit nagawang makatakas ng mag-ama at nawala hanggang sa matunton ang mga ito sa Laguna.

2 PDL SA CABUYAO CITY JAIL, NASAWI DAHIL SA DIARRHEA

Ylou Dagos

Dalawang inmate o persons deprived of liberty (PDL) ng Cabuyao City Jail sa Laguna ang namatay dahil sa diarrhea.

Ayon sa BJMP, mahigit 80 PDL’s ang nagkasakit ng diarrhea dahil sa kontaminadong tubig sa loob ng jail facility.

Sa huling tala hanggang kahapon, Sept 22, nasa 28 ang diarrhea active cases, 52 ang nasa recovery stage, 2 ang nasawi at lima ang sumasailalim sa dextrose

Ayon kay BJMP spokesman Xavier Solda, sa ngayon kontrolado na ang diarrhea outbreak sa naturang jail facility.

Samantala nag bigay naman ng mga gamot ang Philippine Red Cross o PRC para sa mga PDL ng Cabuyao City Jail, tulad ng Oresol, Metronidazole antibiotics, iv fluids at underpads.

Nagbigay din ng 10,000 litro ng malinis na tubig ang PRC at water bladders na magagamit ng 657 PDL’s.

Inatasan na rin ni BJMP chief Allan Iral ang health service at ang warden ng Cabuyao City Jail na masusing i-monitor ang mga preso.

TV ACTOR NA SI DINDO ARROYO INARESTO SA LAGUNA DAHIL SA KASONG PAGLABAG SA CYBERCRIME ACT

📷 Biñan PNP

Ylou Dagos

Inaresto ng mga tauhan ng Biñan City police ang actor at TV personality na si Dindo Arroyo dahil sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 Martes ng gabi.

Ang 61-anyos na si Arroyo na Conrado Manuel Ambrosio sa totoong buhay, ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Hon. Rosauro Angelito Sicat David, Presiding Judge, Regional Trial Court, Branch 101, Santa Rosa City, Laguna.

Si Arroyo  ay nahaharap sa kasong RA 10175 o “Cybercrime Prevention Act of 2012” two   counts na may pyansang inirekomenda na nagkakahalagang Php 10,000.00 bawat kaso.

Sa ngayon nasa kustodiya ng BJMP ng  Biñan City si Arroyo habang ang korteng pinagmulan ng warrant of arrest ay iimpormahan sa pagkaaresto dito.

SPEEDY MOTORCYCLIST DEAD IN CALAMBA CITY ROAD CRASH

Sonny T. Mallari

A fast-running motorcyclist died after figuring in a self-accident in Calamba City, Laguna on Friday.

The Region 4A police reported that the victim, Dennis Pajinag, was traveling aboard his motorcycle when he lost control of his vehicle and hit a plastic barrier along the national highway in Barangay Milagrosa at around 8:50 p.m.

The wayward motorcycle subsequently crashed into a concrete post. The victim died on the spot from a fatal head injury.

Footages from a closed-circuit TV camera in the vicinity showed the victim traveling at a high speed.

The report did not say whether the victim was wearing a crash helmet for protection as mandated under the Motorcycle Helmet Act of 2009.

Philippine National Police–Highway Patrol Group data show that the PNP-HPG recorded more than 6,000 motorcycle accidents last year across the country.

18 TIMBOG SA PASUGALAN SA ISANG RESORT SA LAGUNA, HALOS KALAHATING MILYONG TAYA, NASAMSAM

📷 San Pablo PNP

Ylou Dagos

Umaabot sa 18 katao ang naaresto sa raid na isinagawa ng mga awtoridad sa isang sugalan na ginaganap sa isang resort sa San Pablo City, Laguna Huwebes ng madaling araw.

Batay sa report ng San Pablo City police, dakong alas 3:20 ng madaling araw, isinagawa ng mga tauhan ng San Pablo PNP at mga operatiba ng RID4A-RSOU ang operasyon sa Sandra Torres Resort na nasa Reverina Subdivision, Brgy San Rafael na ginawang gambling place ng sugal na poker.

📷 San Pablo PNP

Kabilang sa mga naaresto ang mag live-in partner na siya umanong maintainer ng iligal na pasugalan, 11 poker player at 5 empleyado na nagsisilbing mga runner at server.

Ayon sa caretaker ng resort, ang iligal na sugalan ay pinatatakbo ng magkalive-in partner na sina Jeffrey Austria , isang negosyante at live-in partner nito na si Shirley Eustaquio, parehong residente ng San Pablo City.

📷 San Pablo PNP

Narekober ng mga awtoridad ang nasa P461,406.00 bet money, mga poker chips at mga baraha.

Ayon sa report, ilan sa mga nagsusugal ay nagmula pa sa Batangas at sa Metro Manila.

Ayon kay PLTCOL Joewie Lucas, hepe ng San Pablo City police, nagkukunwaring guest sa resort ang mga suspect at saka nagtitipon tipon sa isang hall na ginawang pasugalan.

Kinustodiya ng San Pablo City police station ang mga naaresto at sinampahan na rin ng mga kasong paglabag sa Republic Act no. 9287 o illegal gambling law.

APAT NA MOST WANTED ARESTADO SA LAGUNA

Ylou Dagos

Apat na most wanted persons ang naaresto ng Laguna PNP sa magkakahiwalay na operasyon nitong Martes.

Kasama sa mga naaresto ang dalawa na kabilang  sa Regional level most wanted person ng CALABARZON, at dalawang city level most wanted person ng mga lungsod ng Calamba at San Pablo City sa Laguna.

Unang naaresto sa Calamba City sa bisa ng warrant of arrest ang wanted na si Rizaldo Nieto Reyes, 44 anyos, may kasong 3 counts of qualified rape sa pinagtataguan nito sa Brgy. Kay-anlog.

Samantala, isa pang wanted sa kasong rape ang kasunod na naaresto sa nasabi ring  lungsod.

Kinilala ito na si Ronald Bahenting na isa sa most wanted persons ng Calamba City na nadakma sa kanyang tintirahan sa Brgy. Makiling.

Sumunod na naaresto ang isa pang most wanted person ng region  na si Bryan Jay Papina,  35, sa  Brgy. Malusak,  Sta Rosa City na wanted naman sa  Syndicated Estafa.

Naaresto din ang isa sa most wanted person ng San Pablo City na si Tolentino Orenico Villanueva,  na may kasong frustrated murder sa operasyon sa Barangay San Antonio 2.

Pawang walang inirekomendang piyansa ang korte sa 3 naunang akusado.

6-ANYOS NA BATANG BABAE PATAY MATAPOS BARILIN NG KANYANG TATAY, TATAY NG BATA NATAGPUAN DING PATAY

📷 Sta. Cruz PNP

Ylou Dagos

Isang 6 na taong gulang na batang babae ang nasawi matapos barilin ng kanyang tatay sa kanilang bahay sa Sta. Cruz, Laguna, Miyerkules ng madaling araw.

Matapos ang krimen, natagpuang patay ang tatay na suspek.

Ayon sa report ng Sta Cruz police, nangyari ang krimen sa bahay ng pamilya sa Barangay Bagumbayan dakong alas 4:20 ng madaling araw.

Umuwi umanong nakainom ang suspek na isang security personnel sa Alabang, Muntinlupa City, pero sa hindi malamang dahilan ay nagkaroon sila ng pagtatalo ng kanyang misis na isang pulis ng Sta Cruz Municipal Police Station.

Ayon kay PLtCol Jack Angog, hepe ng Sta Cruz Police, naayos din umano agad ang pagtatalo ng mag-asawa at umalis na ang misis para para mag-duty sa police station.

Pero pagkaalis ng ginang inakyat umano ng suspek sa kwarto ang kanilang anak na noon ay natutulog pa at walang sabi-sabing binaril ang anak.

Natagpuan namang may tama ng bala sa ulo ang suspek.

Agad na isinugod ng mga kaanak sa Laguna Medical Center Hospital ang mag-ama pero pareho itong idineklarang dead on arrival ng doktor.

Dagdag ni Angog, patuloy ang kanilang imbestigasyon sa nangyari at ayaw pang magsalita ng misis na pulis tungkol sa kanilang pinag-awayan bago ang insidente at kung ano ang problema ng kanyang mister.

Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng 9mm na baril.

OPISYAL NG RIDERS TEAM NG CAMP CRAME, PATAY SA AKSIDENTE SA LAGUNA

Ylou Dagos

Patay ang tactical coordinator ng isang marketing services corporation at opisyal din ng isang riders club sa aksidente sa kanyang sinasakyang motorsiklo sa San Pedro City, Laguna, Lunes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Reneboy Leonor, 41 anyos, residente ng Biñan City, at isa sa mga founder ng motorcycle riders club na Crame Riders Team Inc.

Ayon sa report ng San Pedro police, dakong alas 6:15 ng umaga nang mangyari ang insidente sa San Isidro Bridge, National Highway, Barangay Nueva, San Pedro City habang ang biktima ay papauwi na sa Biñan City.

Galing pa umano ang biktima sa Quezon City at dumalo sa seminar ng kanilang samahan na  The Fraternal Order of Eagles.

Ayon sa dalawang witness, nakita na lamang nilang nakahandusay sa sementadong kalsada ang biktima katabi ng kanyang nakatumbang  isang adventure type motorcycle.

May mga sugat ito sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Agad itong isinugod sa ospital subalit nasawi rin habang nilalapatan ng lunas.

Ayon sa doctor,  malalang pinsala sa ulo ang ikinamatay nito.

Lumalabas sa pag-iimbestiga ng mga imbestigador na self  accident ang nangyari na posibleng dahil sa  madulas na kalsada bunsod ng mga pag-ulan.

MAG-AMA NALUNOD SA LAGUNA LAKE 

📷 Sta. Cruz PNP

Ylou Dagos

Nalunod ang isang 40-anyos na mangingisda at  menor de edad  na anak nitong lalaki  habang nangingisda sa Laguna lake sa Bayan ng Sta Cruz.

Ayon sa Sta Cruz police, dakong alas 11:30 ng umaga nitong Sabado nang marekober ng mga tauhan ng Sta Cruz MDRRMO at Laguna PNP ang bangkay ni Urbano Estrosa Jr. at 12-anyos na anak nito.

Kapwa wala ng buhay ang mag-ama nang matagpuan ng search and rescue team na nakalutang na sa katubigan ng Laguna lake.

Napag-alaman na Biyernes ng tanghali nang umalis sa Barangay Gatid, Santa Cruz, ang mag-ama sakay ng kanilang maliit na bangka para mangisda sa lawa.

Subalit dahil sa masamang panahon, hindi nakabalik ang mag-ama hanggang sa maglunsad na ng seach and rescue operations ang mga awtoridad.