BAYAN NG LEMERY BATANGAS, NALUBOG SA BAHA

📷 Jovito de Castro and Agoncillo MDRRMO

Ylou Dagos

Nalubog sa tubig-baha ang maraming lugar sa bayan ng Lemery, Batangas dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan nitong Biyernes ng gabi.

Tubig na may kasamang mga putik at iba pang mga debris ang rumagasa sa maraming lugar sa Lemery.

Umabot din sa loob ng mga kabahayan ang baha.

Nitong Biyrenes ng gabi ay binayo ng malalakas na pag-ulan ang mga bayan na nasa bahagi ng central Batangas kabilang ang Lemery, Calaca, Agoncillo at iba pa na halos ay mga nakapaligid sa Taal volcano.

Ayon sa mga lokal na opisyal ng bayan, epekto pa ng pagsabog noon ng Taal Volcano  ang mga putik na tinatangay ng baha kapag umuulan.

Ito rin umano ang dahilan ng pagbara sa mga dating daluyan ng tubig sa mga gilid ng highway.

Nagdulot din ng matinding pagbigat ng daloy ng trapiko ang baha na inabot pa ng Sabado ng umaga.

Matapos humupa ang baha  Sabado ng magtatanghali, tambak naman ng basura ang iniwan nito sa maraming lugar.

Agad namang nagsagawa ng paglilinis ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan sa mga naapektuhang lugar.

Samantala, sa bayan ng Agoncillo, nabalot naman ng makapal na putik ang maraming kalsada  dahil din sa malalakas na pag-ulan.

Ayon sa MDRRMO ng Agoncillo, nagkaroon ng makakapal na soil deposits sa Agoncillo-Laurel Circumferential Road dahil sa mga  landslide at mudslide kungsaan ang mga putik ay rumagasa at  tinangay ng mga baha patungo sa mga kalsada.

Ayon pa sa MDRRMO, dahil sa walang tigil na pag-ulan, lumambot ang mga lupa  at mga tumigas na abo na ibinuga ng Taal volcano noong sumabog ito noong 2020 na  natambak sa mataas na  lugar.

Kabilang sa mga apektadong lugar ay ang mga Barangay ng Subic Ilaya , Barangay Panghulan, Binilbiwang  at San Jacinto na siya ding mga barangay na grabeng pininsala nang pagsabog noon  ng Bulkang Taal.

Kaagad namang nagtulong ang Municipal Engineering Office  at mga mga opisyales ng Barangay para matanggal ang mga natambak na putik.

LIBRENG DIALYSIS CENTER PLANONG ITAYO SA LEMERY 

📷 Nephromed

Inilalatag na ng lokal na pamahalaan ng Lemery ang plano nitong magbigay ng libreng dialysis para sa mga residenteng nangangailangan nito.

Noong Hulyo 5, nakipagpulong si Mayor Ian Kenneth Alilio sa mga kinatawan ng NephroMed Asia Dialysis Center para sa plano nitong pagtatayo ng Libreng Dialysis Center.

Magsasagawa naman ng ocular visit ngayong linggo ang NephroMed Asia Dialysis Center upang inspeksyunin ang PNB Building at Puericulture Clinic na siyang pagtatayuan ng dialysis center.

Kasalukuyan ding hinihintay ng lokal na pamahalaan ang Demolition Order ng Commission on Audit (COA) upang masimulan ang proyekto.

Ayon kay Alilio, malaking hamon para sa isang pamilya ang pagpapa-dialysis upang malunasan ang karamdaman ng isang pasyente.

Dagdag pa nito, ang pagkakaroon ng nasabing serbisyo ay isang hakbang upang matugunan ang pangangailangan ng mga residenteng may karamdaman.

Ang pagpapatayo ng Dialysis Center ang isa sa mga prayoridad ni Alilio na inaasahang makakatulong sa mga kababayan nitong nagpapa-dialysis lalo na sa mga walang kakayanang suportahan ang kanilang pagpapagamot. (PIA)

13 BALOT VENDORS NAKATANGGAP NG TULONG PINANSYAL SA LEMERY

📷 Municipality of Lemery Official Facebook Page

Kristalane May Napoles

Matagumpay na naisagawa ang Livelihood Financial/Capital Assistance payout para sa ating mga kababayan noong biyernes, ika-3 ng Hunyo 2022 sa covered court ng bayan ng Lemery Batangas.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni Municipal Mayor Geraldine Ornales kasama ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa pangunguna ni Ms. Ruth Galit at ng Office of the Municipal Treasurer sa pangunguna naman ni Mr. Rolando Macatangay.

Mapalad na napagkalooban ang labing tatlong (13) balot vendors na syang mga beneficiaries nang nasabing financial assistance. Ang mga vendors ay nagmula sa iba’t ibang bayan ng Lemery, Batangas.

Layunin ng programa na makatulong sa mga balot vendors lalo’t higit sa mga solo parent vendors na magisang nag tataguyod ng kanilang mga pamilya ngayong panahon ng pandemya.

TEAM LEMERY, BAGONG KAMPYEON SA CHOSEN FEW CUP 2022 INTER-TOWN 17 BASKETBALL LEAGUE NG UNANG DISTRITO NG BATANGAS

Kristalane May H. Napoles

Matagumpay na naisagawa ang Chosen Few Cup 2022 Inter-Town Basketball League ng Unang Distrito ng Batangas noong ika-3 ng Hunyo 2022 sa Nasugbu Batangas.

Mapalad na nasungkit ng Team Lemery ang Kampeonato laban sa Team Calaca, sa score na 84-73. Nakamit ng Team Lemery ang 2-1 na karta sa Best-of-3 na Championship.

Samantala, itinanghal na Finals MVP si Von Matthew De Ramos na mula sa Barangay Wawa Ibaba, Lemery Batangas.

Gayundin, ipinaabot ng Pamunuan ng Bayan ng Lemery Batangas sa pangunguna ni Mayor Geraldine Ornales ang pasasalamat sa DLTB.Co at kay Konsehal Joey Vergara na syang naging daan upang magkaroon ng libreng sakay sa dalawang bus ang mga kababayang Lemereño na nanuod at nagbigay suporta sa nasabing Championship Game.

2 MENOR PATAY SA MAGKAHIWALAY NA INSIDENTE NG PAGKALUNOD SA BATANGAS

2 MENOR PATAY SA MAGKAHIWALAY NA INSIDENTE NG PAGKALUNOD SA BATANGAS

Marlon Luistro

Dalawang menor de edad ang namatay sa magkahiwalay na insidente ng pagkalunod sa mga bayan ng Lian at Lemery noong Linggo.

Sa ulat ng Lian police, lumalangoy lamang ang 14-anyos na lalaking biktimang taga-Quezon City kasama ang dalawa niyang pinsang sila Jed Pelano at Luige Villarama sa may El Paye Beach Resort sa Barangay Lumaniag, Lian bandang alas-8:20 ng umaga nang di nila mapansing nasa malalim na bahagi na pala sila ng dagat.

Nalunod ang biktima kayat agad na humingi ng saklolo ang mga pinsan nito at hinila siya mula sa dagat.

Dinala ang biktima sa Apacible Memorial District Hospital sa bayan ng Nasugbu pero idineklara nang dead on arrival bandang alas-9:55 ng umaga ni attending physician Dr. Jerome dela Trinidad.

Samantala, patay din sa hiwalay na insidente ng pagkalunod sa bayan ng Lemery ang anim na taong gulang na batang lalaking taga-Barangay Poblacion West, Alitagtag.

Sa ulat ng Lemery police, nangyari ang insidente sa pagitan ng alas-9 hanggang alas-10 ng  umaga sa may Orlando’s Beach Resort, Barangay Nonong Casto.

Batay sa imbestigasyon, aksidenteng nadulas ang biktima sa hagdan at diretsong nahulog sa swimming pool na naging dahilan ng kanyang pagkalunod. Makalipas ang ilang sandali ay nagtulong-tulong ang  mga taong nakakita na iahon ang biktima mula sa pool at binigyan ng first aid pero hindi siya nagkaroon ng malay.

Agad siyang dinala sa Batangas provincial hospital pero idineklara nang dead on arrival ni attending physician Dr. Dennis Bacolor.

Kapwa wala namang pahayag pa ang pamunuan ng El Paye Beach Resort at Orlando’s Beach Resort sa nangyaring pagkalunod sa kanilang lugar.

3 NAMBUGBOG AT DUMUKOT SA BARANGAY CAPTAIN SA LEMERY, ARESTADO

Marlon Luistro

Lemery, Batangas – Inaresto ng pulisya ang tatlong kalalakihang umanoy nambugbog at dumukot kay Barangay Chairman Tirso Endaya ng Barangay San Isidro Itaas.

Kinilala ang mga suspek na sila Mernick Azares, 24, taga-Barangay Ayao-iyao; Moises Gutierez 22, taga-Baranggay Sta. Elena, San Pascual; at Romeo Mendoza, taga-Barangay Alalum, San Pascual.

Sa inilabas na pahayag ng Lemery Police, bandang alas-12:40 ng madaling araw nang dumating sa himpilan ng pulisya ang nasabing mga suspek kasama ang sugatang lalaking kinalauna’y nakilalang si Endaya, na dinala nila dahil umano’y namimilil ng boto.

Ilang minuto lamang ang nakalipas ay dumating ang misis ni Kapitan Tirso na si Cherry Endaya at iniulat na dinukot ng mga armadong lalaki sakay ng silver gray na SUV ang kanyang mister. 

Pero laking gulat na lamang ni Gng. Endaya nang makita ang nasabing sasakyan sa mismong himpilan ng Lemery Police na batay sa description ay siyang tinutukoy niya ring ginamit ng mga dumukot na suspek sa kanyang asawa. 

Ito rin ang naging pahayag ng pulisya na siyang nagdala rin kay Kapitan Tirso sa himpilan.

Sa patuloy na pagsisiyasat ng mga pulis, lumalabas na ang tatlong lalaking nagdala kay Kapitan Tirso sa police station ay sila din pala ang dumukot at nanakit sa kanya. 

Ayon sa salaysay ng barangay chairman ay makailang beses siyang pinalo ng baril sa ulo at pilit na pinaamin na namimili siya ng boto kahit na hindi naman totoo.

Sa puntong iyon ay inaresto na ng pulisya ang tatlong suspek, na ngayoy nakapiit sa temporary detention cell ng Lemery Police Station at nahaharap sa patong patong na reklamo.

Samantala dinala naman sa Metro Lemery Medical Center sa Barangay Palanas si Chairman Endaya para maipagamot sa mga tinamo niyang sugat. 

Nasa kustodiya na rin ng pulisya ang SUV na ginamit sa pagdukot kay Kapitan Tirso.

Ang Lemery ay kabilang lamang sa 12 lugar sa Batangas na naunang idineklarang election hotspot ng Batangas provincial police office. 

Naglalaban sa pwestong pagka-mayor ng nasabing bayan sila Ian Alilio ng Nacionalista Party at Evelyn “Nene” Bendana ng Nacionalist People’s Coalition.

Si Alilio ay anak ng yumaong dating Lemery Mayor Eulalio “Larry” Alilio habang si Evelyn naman ay asawa ng yumaong Raul Bendana, na dati ring mayor ng nasabing bayan.

Kinundena naman ng kandidatong si Alilio ang nasabing pagdukot at pananakit kay Kapitan Tirso.

“Mga minamahal kong kababayan, sigaw po natin ay hustisya hindi lamang po kay Kapitan Tirso Endaya kundi sa bawat mamamayang Lemereño at lingkod-bayan na ngayon ay tinatakot at hina-harass alang-alang sa halalan,” ani Alilio sa inilabas na pahayag sa  kanyang official FB page noong ika-5 ng Mayo.

“Walang puwang sa ating mapayapang bayan ang ganitong klaseng karahasan.”dagdag niya. 

Wala pa namang inilalabas na pahayag ang kampo ni Bendana sa nasabing insidente.

LALAKI PATAY MATAPOS MALUNOD SA BEACH RESORT SA LEMERY

Sinusubukan pang isalba ang buhay ng isang lalaki matapos malunod sa dagat ng Lemery, Batangas (photo by Lemery MDRRMC)

Marlon Luistro

Dead on arrival sa ospital ang isang 55-anyos na lalaki na nalunod habang naliligo sa may Roman Beach Resort sa Barangay Nonong Casto, Lemery, Batangas nitong Sabado ng hapon.

Kinilala ang nasawing biktimang si Alberto Adalin, taga-Barangay Poblacion West sa bayan ng Alitagtag.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-12 ng tanghali, nakita na lamang ang walang buhay na katawan ng biktima sa mababaw na bahagi ng dagat.

Sinasabing nalunod umano ito matapos na maligo ng lasing. Wala pang pahayag ang pamunuan ng resort sa insidente.

NEGOSYANTE PINATAY SA LOOB NG TINDAHAN NG MOTORSIKLO SA LEMERY

Marlon Luistro

Lemery, Batangas – Patay ang 69-anyos na negosyante matapos hatawin ng matigas na bagay sa kanyang ulo sa Barangay Malinis sa bayang ito noong Linggo ng gabi.

Kinilala ang nasawing biktimang si Jesus Co may ari ng Jupiter Motorcycle Center

Ayon sa report, dakong alas-8:45 ng gabi nang matagpuan ng kanyang live-in partner ang biktima na nakahandusay sa nasabing motorcycle center.

Ayon sa pulisya, may indikasyong hinampas ng matigas na bagay sa ulo ang biktima batay sa tinamo nitong sugat.

Mag-isa lamang sa tindahan at walang kasama ang biktima nang mangyari ang insidente.

Naisugod pa siya sa Batangas Provincial Hospital sa Lemery pero idineklara nang dead on arrival ng doktor. 

Sasailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima para matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito.

Ayon kay Batangas police director P/Col. Glicerio Cansilao, alitan sa negosyo ang tinitingnang anggulo ng pulisya sa krimen. 

Tinanggal naman ang pagnanakaw bilang motibo sa pamamaslang dahil nananatiling intact ang P300,000 na perang pagmamay ari ng biktima. 

Mayroon nang person of interest ang pulisya sa krimen pero tumanggi na muna silang pangalanan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Iniimbestigahan na ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang loob ng tindahan ng negosyanteng si Jesus Co matapos matagpuan itong patay Linggo ng gabi (photo by BPPO)

DOLPHIN FOUND DEAD IN LEMERY, BATANGAS

A subadult female Spinner Dolphin (Stenella longirostris) was found dead along the beach by residents of Brgy. Balanga in Lemery, Batangas last Monday.

Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) 4A PFO Batangas headed by Mr. Aljon Andrade together with Marco E. Espiritu, DVM, BFAR-4A Veterenarian, and PFO staff Donna Fe Valenzuela, responded to a call from LGU of Lemery, Batangas, that a marine mammal was stranded at the coastal barangay.

Dr. Espiritu immediately conducted a necropsy to identify the possible cause of death and collected samples subject for laboratory testing.

According to the results after the examination of tissues, the first possible cause of death is capture myopathy, resulting from the extreme stress suffered during and after capture, handling, restraint and transport.

There are numerous gross visible signs that the dolphin is a possible bycatch of a certain fishing gear as characterized by linear to reticular abrasive patterns on the skin. Second is stress myopathy secondary to separation from pod, stranding and inanition is also a potential cause of death.

“It was unfortunate that a marine mammal was found dead at Balayan Bay, since the bay is known to have pods of dolphin because of its rich marine biodiversity,” BFAR said in a statement.

The BFAR, in its mandate to protect and conserve our marine biodiversity, is continuously reminding locals, coastal residents and fisherfolks to report any information regarding the stranding of any marine mammals observed as well as unusual occurrence of aquatic wild life in their area.

A necropsy is being performed on a dolphin that was found dead along the beach in Lemery, Batangas (Photo by BFAR 4A)
A necropsy is being performed on a dolphin that was found dead along the beach in Lemery, Batangas (Photo by BFAR 4A)