2 TINAMAAN NG KIDLAT , 1 PATAY, 1 SUGATAN SA POLILLO ISLAND

Ylou Dagos

Nasawi ang isang senior high school student na taga Burdeos, Quezon matapos na ito at ang kanyang kasama ay tamaan ng matalim na kidlat habang sakay ng bangka patungo sa bayan ng Real, Quezon noong Martes ng gabi.

Magdadala sana ang dalawa sa kanilang mga huling pugita sa Real sakay ng bangkang de motor nang abutan ang mga ito ng ng masungit na panahon at matatalim na pagkidlat sa karagatan malapit sa bahagi ng Baluti island sa nasabing bayan dakong alas 10:00 ng gabi .

Kinilala ang nasawi na si Justine Establecida, 17 anyos, samantalang sugatan naman si Edner Tabura, parehong taga Barangay Palasan, isang islang barangay sa bayan ng Burdeos na lubos ding napinsala ng bagyong Karding.

Narescue pa ang dalawa ng mga rescuer at mga barangay official ng Real at naisugod sa ospital subalit binawian din ng buhay si Establecida.

Ginagamot pa naman si Tabura.

Batay sa impormasyon, ang pamilya ng dalawa ay kapwa mga biktima rin ng bagyong Karding at kapwa nawasak ang mga bahay.

BABAENG NATANGAY NG FLASHFLOOD SA ILOG SA RIZAL AT BANGKAY NA NATAGPUAN SA QUEZON, IISA

Ylou Dagos

Kinumpirma ng mga kaanak ng babaeng naanod sa ilog sa Tanay, Rizal noong Linggo na ang biktima ay ang natagpuang bangkay noong Martes sa karagatan sa may bahagi ng Barangay Sabang Polillo, Quezon.

Nitong Miyerkules ay personal na nagtungo sa Polillo ang nanay ng biktima na si Maria Luiza, kasama ang mga imbestigador ng Tanay at Antipolo police at kinilala ang bangkay.

Kumbinsido ang nanay na iyon ang anyang anak na si Aimy Panes Laurel lalo na at magkaparehas ang kanilang suot na isang round silver na hikaw.

Si Laurel ay kabilang sa apat na magkakaanak na naanod ng flashflood sa Lanatin River sa Barangay Cayabu, Tanay noong Linggo ng gabi sa kasagsagan ng Bagyong Karding.

Nasawi sa insidente ang kanilang tatay na si Arthur Panes na siyang nagselebra ng birthday sa tabi ng ilog, samantalang nawawala pa ang kanyang mister na si Carlo Laurel.

Nailigtas naman ang 2-taong gulang na anak ng mag-asawa.

Batay sa pag-aanalisa ng mga awtoridad nasa halos 100 kilometro ang kinaanudan ng biktima na dumaan sa paliko-likong mga ilog ng Lanatin at Daraitan river sa Rizal, patungo sa Kaliwa river at Agos River na palabas sa karagatan ng General Nakar, Quezon bago naanod ng dagat patungo sa may isla ng Polillo.

Samantala ayon sa hepe ng pulisya ng Tanay, biniberipika nila ngayon ang isang bangkay ng lalaki na natgpuan sa may ilog sa Daraitan, Rizal kung ito ang nawawalang mister.

BALIKATAN PARA SA POLILLO GROUP OF ISLANDS, RELIEF OPERATIONS PATULOY

Ylou Dagos

Patuloy ang pagpadala ng pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng DSWD at pamahalaang panlalawigan ng Quezon ng mga tulong sa nasalanta ng Bagyong Karding sa Polillo group of islands.

Nasa mahigit 16,000 pamilya na ang nabigyan ng mga food packs sa 5 bayan ng Polillo, Burdeos, Panukulan, Patnanungan at Jomalig.

Nitong Lunes ng gabi, nasa 4,000 pamilya sa Patnanungan at mahigit 3,000 pamilya sa Jomalig ang unang nabiyayaan ng tulong.

Sinundan agad ito ng pagpapadala ng relief goods nitong Martes para sa nasa 4,000 pamilya sa Burdeos, 4,000 pamilya sa Panukulan at paunang 1,000 para sa Polillo.

Magkatulong na rin ang PNP at AFP sa agarang pagdadala ng mga relief goods.

Gamit ang mga mga helicopters ng Philippine Airforce, mula sa Villamor airbase sa Pasay kaagad inililipad patungo sa isla ang mga tulong na nagmumula sa DSWD.

Nakaantabay naman ang PNP sa isla para sila ang magdala sa mga bayan-bayan.

Ang mga relief packs ay naglalaman ng pagkain, tubig, mga gamot, at mga damit.

📷 📹 LA Ruanto / Quezon PNP

Maging ang mga pampasaherong RORO na bumibayahe patungo sa mga isla ay libreng tumulong na rin sa paghahakot ng mga relief packs na nanggagaling naman sa kapitolyo ng Quezon.

Maging ang bayan ng General Nakar na nasa mainland ng Quezon pero isa din sa grabeng napinsala ay hinatiran na din ng mga unang pangangailangan.

Kahapon sa special session ng Sangguniang Panlalawigan, isinailalim na sa state of Calamity ang limang bayan sa Polillo Group of Islands at ang bayan ng General Nakar.

6 NA BAYAN SA QUEZON PROVINCE ISINAILALIM NA SA STATE OF CALAMITY DAHIL SA PINSALA NG BAGYONG KARDING

Allan Llaneta

Isinailalim na sa State of Calamity ang anim na bayan sa Quezon dahilan sa malalang pinsala ng nagdaang Super Typhon Karding.

Sa special na session kahapon ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon, pinagtibay na malagay sa State of Calamity ang mga bayan ng Polillo, Patnanungan, Panukulan, Jomalig, Burdeos at General Nakar.

Ayon kay Quezon Vice Governor Anacleto 3rd Alcala, dahilan sa naaprubahan na ang state of Calamity pwede nang gamitin ang 30 percent Quick Response Fund ng provincial government para magamit sa mga nasalanta ng bagyo.

Sa ulat ni Quezon PDRRMO Dr. Mel Avenillla, dalawang katao na ang napaulat na nasawi sanhi ng bagyo.

Sa ngayon wala pa ring suplay ng kuryente sa isla ng Polillo.

Nasa limang libong kabahayan naman ang nasira sa nagdaang bagyo.

OPISYAL AT MGA RESIDENTE NG 1 BARANGAY SA BURDEOS, QUEZON, NANAWAGAN NG TULONG PARA SA AGARANG PAGBANGON NILA SA TRAHEDYA

Ylou Dagos

Isa ang Barangay Carlagan sa bayan ng Burdeos sa pinakamatinding napinsala ng Bagyong Karding nang maglandfall ito sa nasabing bayan na nasa isla ng Polillo noong Linggo ng hapon.

Batay sa datos PAGASA sa bagyong Karding, unang tumama ang sentro ng bagyo sa kalupaan sa northeast portion ng bayan ng Burdeos kung saan naroon ang islang Barangay ng Carlagan at dalawang katabi nitong Barangay ng Mabini at Bonifacio.

Kaya naman ayon sa Quezon PDRRMO, halos 95% ng mga kabahayan dito ang nawasak.

Maging ang kanilang mga bangkang pangisda na siyang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente doon ay halos wasak ding lahat matapos ang mga itong ipaghampasan ng malalaking alon ng karagatan.

Hindi rin nakaligtas sa lupit ng bagyo ang kanilang eskwelahan at covered court nito.

Kaya dahil sa kawalan ng pag-asa sa nakapanlulumong pangyayari, nananawagan na ang kanilang punong barangay na si Jake Lape sa lahat ng puwedeng tumulong na tulungan sila na makaahon sa trahedyang kanilang sinapit.

Damit, pagkain, tubig at mga kagamitan para mabuo muli ang kanilang mga tahanan ang hinihiling ng kapitan para sa kanyang mga kabaranggay.

Kailangan din nila anya ng kahit anong mapagsisimulan para sila makabangon.

Sa ngayon anya ay wala silang pinagkukunan ng kanilang mga pangangailangan kundi ang mga paunang tulong na ibinigay ng DSWD at pamahalaang panlalawigan at at ang kanilang napakaliit na budget ng barangay para sa quick response.

Nagpapasalamat din ang kapitan sa mga indibidwal na nagpapadala ng tulong sa kanila.

Pero ayon sa punong barangay, hindi sasapat ang mga relief goods na kanilang natatanggap ngayon sa mahaba pang panahon na kanilang kakailanganin para sila makabalik sa normal na buhay at paghahanapbuhay.

Kayat bukod sa mga relief goods, hiling ng punong barangay sa lokal at nasyunal na pamahalaan at sa iba pang LGUs na mapagkalooban sila ng mga pansamantalang mapagkikitaan para hindi sila aasa na lamang sa mga relief goods hindi rin nila alam kung hanggang kelan tatagal.

BANGKAY NG BABAE, NATAGPUANG LULUTANG-LUTANG SA KARAGATAN MALAPIT SA POLILLO , QUEZON

📷 POLILLO PNP

Ylou Dagos

Isang bangkay ng babae ang natagpuan sa karagatan sakop ng Brgy. Sabang, Polillo, Quezon nitong Martes ng umaga.

Ayon sa Polillo police, ang hindi pa nakikilalang bangkay ay posibleng biktima ng pagkalunod dahil sa pananalasa ng Bagyong Karding.

Natagpuan ng mga miyembro ng Bantay Dagat na nagsusurvey sa lugar ang lulutang-lutang na bangkay hindi kalayuan sa dalampasigan dakong alas 7:30 ng umaga.

Wala ng anumang saplot sa katawan ang labi at tanging ang suot na round silver na hikaw ang maaring pagkakilanlan dito.

Inaalam pa ng pulisya kung ang biktima ay nagmula sa isla ng Polillo at sa mga katabing lugar.

Kung sakaling biktima ito ng bagyong Karding, ito ang ikalawang matatalang casualty sa lalawigan ng Quezon.

Nakalagak ngayon ang bangkay sa isang puneraria sa bayan ng Polillo at hinihihintay na kilalanin ng kanyang mga kaanak.

TULONG PARA SA MGA NASALANTA NG BAGYONG KARDING SA POLILLO ISLAND INIHATID NA

📷 Quezon LGU

Ylou Dagos

Inihatid na sa isla ng Polillo ang ibat-ibang mga relief goods na ipamamahagi sa mga residente na naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Karding.

Kanina ay dumating na sa Polillo port sakay ng RORO ang karagdagang mga food packs na ihahatid sa bayan ng Burdeos, isa sa mga bayan sa isla at isa sa pinakagrabeng nagtamo ng pinsala.

📷 Quezon LGU

Nasa 4,000 food packs ang nagmula sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon at 2,000 food packs naman ang nanggaling sa DWSD.

Ayon sa Quezon PDRRMO, aabot na sa 13,900 family food packs ang naipadala na sa isla matapos humagupit ang Bagyong Karding.

📷 Quezon LGU

Pero ayon kay Quezon Governor Angelina Tan, nasa mahigit na 50, 000 pamilya ang nangangailangan ng tulong sa mga bayan sa Polillo Group of Island, (Polillo, Burdeos, Panukulan, Patnanungan at Jomalig) at sa REINA Area (Real, Infanta at General Nakar) na mga biktima ng typhoon Karding.

Kaya humihiling ito kay DSWD Erwin Tulfo ng karagdagan pang tulong.

📷 Quezon LGU

Nagpasalamat din ang gobernador kay Sec Tulfo at DSWD, maging sa DILG sa patuloy na pagdamay sa mga biktima ng bagyo sa lalawigan.

Nakipag-usap na rin si Tan sa AFP Southern Luzon Command (SOLCOM) na nakabase sa Lucena City para sa mabilis na maihatid ang mga relief goods sa mga isolated areas sa pamamagitan ng mga chopper ng AFP.

📷 Quezon LGU

Kahapon ay nagtungo mismo si Tan sa mga naapektuhang bayan at personal na binisita ang mga residente.

Samantala, nagpadala na rin ng mga relief goods sa bayan ng Burdeos ang Angat Buhay Foundation ni dating VP Leni Robredo.

📷 Quezon LGU

Sa bayan naman ng Polillo, lubos ang pasasalamat ni Mayor Angelique Bosque sa mga NGO’s at iba pang indibidwal na nagkaloob na rin ng mga relief goods para sa nasabing bayan.

Sa Sangguniang Panlalawigan naman ng Quezon, idineklara na ang State of Calamity sa mga naapektuhang bayan base na rin sa rekomendasyon ng PDRRMO at ni Gov. Tan.

KARDING DESTROYS P186.5 MILLION WORTH OF AGRI CROPS, FISHERIES IN QUEZON

Sonny T. Mallari

Damage sustained by the agriculture sector in Quezon province due to Super Typhoon Karding (international name: Noru) reached P186.5 million, the provincial agriculture office said in a report Tuesday.

It enumerated that around 1,433 hectares of rice lands were destroyed, and 1,490 hectares were damaged by the typhoon that cut across the province on Sunday, September 25.

It affected 3,181 rice farmers.

The estimated cost of ravaged rice lands, most of which were almost ready for harvest, reached P119.4 million.

Some P30.2 million fruit-bearing trees covering 2,373 hectares were likewise damaged by the typhoon, affecting 3,076 farmers, while about 27,640 hectares of coconut trees worth P25.8 million were lost, affecting 9,213 coconut farmers.

Additionally, 195 hectares of vegetable plantations worth P5.2 million (affecting 841 farmers), 4.7 hectares of corn plots worth P338,000 (affecting three farmers), and commercial fish pens worth P5.4 million (affecting 115 operators) were also damaged by Karding.

According to the Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), a total of 13,97 families composed of 50,435 individuals were displaced by the severe weather event’s wrath.

At least 8,619 families or 31,701 individuals are from the province’s 1st district, including the five island towns in northern Quezon facing the Pacific Ocean: Polillo, Burdeos, Panukulan, Jomalig, and Patnanungan.

The PDRRMO said 972 houses across the province were destroyed and 3,932 were damaged.

On Tuesday afternoon, Vice Gov. Anacleto III said the provincial council, acting on the letter by Gov. Angelina Tan, has declared a state of calamity in the island towns of Polillo, Burdeos, Panukulan, Patnanungan, Jomalig and the municipality of General Nakar.

The declaration of the state of calamity will hasten the rescue and relief and rehabilitation efforts of the government and the private sector in the said areas which were severely hit by the typhoon.

The move will also be an effective mechanism to control the prices of goods and commodities in the areas.

1 PATAY, 1 SUGATAN SA BAGYONG KARDING SA QUEZON

📷 Burdeos PNP

Ylou Dagos

Isa ang naiulat na nasawi at isa ang nasugatan kaugnay sa pananalasa ng bagyong Karding sa lalawigan ng Quezon.

Batay sa report mula sa Quezon PNP, nasawi ang 70-anyos na si Eli Alberto matapos na matabunan ito ng landslide sa Sityo Subok, Barangay Aluyon, bayan ng Burdeos dakong alas 7:30 ng gabi.

Narekober naman ng mga tauhan ng Burdeos PNP katulong ang mga barangay official ang katawan ng biktima nitong Lunes ng umaga.

Samantala sugatan naman ang barangay kagawad na si Jonathan Santoalla matapos na mahulog mula sa bubong ng kanyang bahay sa Barangay Bañadero sa bayan ng Polillo dakong alas 3:00 Sabado ng hapon.

Ayon sa report, nag aayos ng kanyang bubong ang biktima bilang paghahanda sa paparating na bagyo nang aksidente itong mahulog.

Agad itong isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas.

PINSALANG IDINULOT NG BAGYONG KARDING SA BURDEOS QUEZON TUMAMBAD

Ylou Dagos

Tumambad ngayong umaga ang nakakapanlumong pinsalang idinulot ng Super typhoon Karding sa Bayan ng Burdeos, Quezon kung saan unang nag land fall ang bagyo.

Mga wasak na kabahayan, mga nagtumbahang mga puno at iba pang imprastukturang nasira ang tumambad sa mga residente ngayong araw.

Ito ay dahil sa hagupit na dinanas  ng nasabing bayan kung saan nagland fall ang bagyo dakong alas 5:30 ng Linggo batay sa weather bulletin  ng PAGASA.

Ayon kay Quezon PDRRMO head Dr. Mel Avenilla, ngayong araw pa lamang nagsisimula ang assessment ng mga LGU sa mga pinsalang tinamo ng kani-kanilang bayan partikular sa mga bayan sa Polillo group of islands na siyang nasentruhan ng unang hagupit ng bagyo.

Umaasa ang PDRRMC na ngayong araw ay makakapagsumite na ng mga tinamong pinsala ang mga naapektuhang bayan kahit hirap sila sa komunikasyon.

Nanatiling wala pa ring supply  ng koryente sa Polillo island ngayon kung saan may 3 itong bayan, ang Polillo, Burdeos at Panukulan.

Ganoon din sa 2 pang islang Bayan ng  Jomalig at Patnanungan.

Samantala nakatutok na din ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapadala ng agarang tulong at pagdagdag ng mga tao na makakatulong sa immediate recovery ng mga nasabing lugar.