4-ANYOS NA BATA PATAY NANG MALUNOD SA TAAL LAKE

Marlon Luistro

Talisay, Batangas – Nagluluksa ngayon ang mga kaanak ng isang apat na tong gulang na batang lalaki na  namatay matapos malunod sa may Lawa ng Taal sa Binintiang Malaki Pulo, Poblacion 8 kinaumagahan noong ika-12 ng Hulyo.

Ayon sa ina ng biktimang si Mary Ann Noblezada, katatapos lamang nila noong magtanghalian sa nasabing lugar at naglalaro ang kanyang anak sa may pampang ng Binintiang Malaki sa lawa nang bigla na lang itong maglaho.

Kayat hinanap nila ang bata at natagpuan ang katawan nito sa ilalim ng lawa.

Agad na dinala ang  bata sa Malabanan Memorial Hospital pero idineklara nang dead on arrival ni attending physician Dr. Mark Joseph Gallemit.

BARANGAY TANOD, NALUNOD SA TAAL LAKE

Marlon Luistro

Lungsod ng Lipa, Batangas – Patay ang 47-anyos na barangay tanod matapos na malunod habang lumalangoy sa may Taal Lake sa may Sitio Tagbakin, Barangay Halang noong Sabado ng umaga.

Nasawi sa pagkalunod ang biktimang kinilalang si Edwino Manzanaris, tanod ng Barangay Marauoy.

Sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-10 ng umaga nang magtungo ang biktima at kanyang mga kasamahang barangay functionaries sa lawa para lumangoy. Sumakay ang biktima at kanyang dalawang kasamahan sa balsa bago nagtungo sa lawa.

Sa puntong iyon ay tumalon sa lawa ang biktima para lumangoy pero hindi na ito lumutang pa kayat agad na humingi ng saklolo ang kanyang mga kasama. Bandang alas-11 ng umaga nang matagpuang walang malay ang biktima sa may salabay sa ilalim ng lawa.

Agad na iniahon ang biktima sa lawa pero wala na itong buhay kayat nagdesisyon na ang pamilyang dalhin ang kanyang labi sa San Fernando Funeral Homes sa Lipa. Hindi na ipina-autopsy pa ng pamilya ng biktima ang bangkay nito at pumirma na rin sila ng waiver para sa nasabing desisyon.

PAGBABAKLAS NG MGA ILIGAL NA ISTRUKTURA SA LAWA NG TAAL NAGPAPATULOY

Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) CALABARZON, sa pamamagitan ng Protected Area Management Office – Taal Volcano Protected Landscape (PAMO-TVPL), ay magsasagawa ng isang pagbabaklas ng mga iligal at abandonadong istruktura sa Brgy. Gulod at Buso-Buso, Laurel, Batangas simula 31 ng Mayo hanggang 6 Hunyo 2022.

Batay sa isinagawang imbentaryo ng PAMO-TVPL, naitala na 63 fish corrals o baklad, and iligal na nakatayo sa baybay lawa ng nasabing dalawang barangay. Ang nasabing mga istruktura ay maaaring maging hadlang o sagabal sa mga gagawing pagresponde sa panahon ng peligro at maituturing na panganib sa mga dumadaang bangka.

Ang pagbabaklas na ito ay alinsunod sa Kautusang Pampangisdaan ng TVPL at sa PAMB Resolution No. 91, series of 2021, kung saan nakasaad ang permanenteng pagbabawal ng pagtatayo at operasyong ng iligal na baklad sa buong Lawa ng Taal. Nakasaad din sa resolusyon na ito na pansamantalang pinayagan ang operasyon ng fish coral o baklad sa loob ng anim (6) na buwan simula Hulyo hanggang Disyembre taong 2021 ngunit tatanggalin at babaklasin pagkatapos ng ibinigay na palugit.

Ang aktibidad na ito ay pinangunahan ng DENR CALABARZON, PAMO-TVPL, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) IV-A, katuwang rin ang PNP Maritime Group, Philippine Coast Guard, at ilang mga law enforcement agencies. (DENR 4A)

MGA LABI NG 5 BATA NA NALUNOD SA TAAL, NAREKOBER NA

Photo from PCG Batangas

Narekober na pasado alas-9 ngayong umaga ang labi ng limang bata na nalunod sa Taal lake kahapon.

Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office, pasado alas dose ng tanghali kahapon nang mag-swimming ang limang bata sa lawa sakop ng Brgy. Sala sa bayan ng Balete, Batangas.

Isang testigo umano ang nagsabi na maya-maya lamang ay biglaang naglaho ang mga bata, pawang mga minor na edad 7-12, lahat ay residente ng Sitio Sto. Toribio, Brgy. Marauoy, Lipa City.

Kaagad nagsagawa ng search and rescue operation ang lokal na kapulisan kasama ang mga miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction Office at Philippine Coastguard.

Bandang alas tres kahapon, tumulong na rin sa search and rescue ang Philippine Airforce, Lipa City Disaster Risk Reduction and Management Office (LCDRRMO), Batangas City Risk Reduction and Management Office (BCDRRMO), Batangas Provincial Risk Reduction and Management Office (BPRRMO), Balete Bureau of Fire Protection (BFP), Balete Rural Health Unit, Local Government Unit at ilang local divers.

Pasado alas-5 ng hapon kahapon nang marekober ang labi ng dalawang bata.

Pansamantalang itinigil ang paghahanap alas-9 ng gabi at itinuloy kaninang 6:00am.

Bago mag alas-10 kaninang umaga ay narekober na rin ang labi ng 3 pang bata.

2 BATANG NALUNOD SA TAAL LAKE KINILALA NA

Photo from PCG Batangas

Arnell Ozaeta

BATANGAS – Matapos marekober ang katawan ng dalawa sa limang batang nagswimming sa lawa ng taal sakop ng Barangay Looc, Balete, Batangas kinilala na ng mga awtoridad

Magkasunod na narekober ng Search and Rescue Team ng Philippine Coastguard ang mga labi nila Sherin Ashtrid Rosa, 8 taong gulang at Jaime Rose Ann Jacutan, 12 taong gulang pawang mga residente ng Barangay Sto Toribio, Lipa City. 

Dinala na sa San Fernando Funeral sa Lipa City ang mga labi ng mga bata. 

Samantala, pinaghahanap parin ang tatlo pang nawawalang mga bata.

62-ANYOS PATAY MATAPOS MALUNOD SA TAAL LAKE

Marlon Luistro

Lungsod ng Tanauan, Batangas – Bangkay na nang matagpuan noong Biyernessa sa may Lawa ng Taal ang 62-anyos na construction worker na pinaniniwalaang nalunod habang lumalangoy sa Barangay Gonzales.

Kinilala ang nasawing biktimang si Francisco Dapo, taga-Barangay Talaga.

Sa inisyal na imbestigasyon, alas-10 ng gabi noong Huwebes nang maligo sa lawa para magswimming ang biktima na noo’y lango sa alak. Hindi na siya umuwi pa ng gabing iyon.

Hanggang sa kinabukasan bandang alas-11:40 ng umaga ay natagpuan na lamang ng concerned citizen ang walang malay na biktimang nakalutang sa may pampang ng Barangay Gonzales.

Agad na nagtulong-tulong ang mga barangay tanod ng Gonzales at CDRRMO para hilahin ang biktima na napag-alamang patay na ng mga oras na iyon.

KATAWAN NG BINATILYONG NALUNOD SA TAAL, NATAGPUAN NA

Matapos ang 3 araw na paghahanap, narekober na ng mga otoridad ang labi ng binatilyong nalunod sa lawa ng Taal (photo from Alitagtag PNP)
Matapos ang 3 araw na paghahanap, narekober na ng mga otoridad ang labi ng binatilyong nalunod sa lawa ng Taal (photo from Alitagtag PNP)

Marlon Luistro

Matapos ang halos tatlong araw na paghahanap ay nakita na ang labi ng 19-anyos na binatiyong magtutubo na si Arturo Panganiban na pinaniniwalaang nalunod at dalawang araw nang nawawala sa may Taal Lake sa Barangay Poblacion West, Alitagtag, Batangas.

Ayon kay P/Capt. Florencio Caisip, hepe ng Alitagtag Police, alas-9:45 Martes ng umaga nang matagpuan ang walang buhay na katawan ni Arturo sa may lawa ng nasabing barangay sa isinagawang search and retrieval operation ng Philippine Coast Guard Talisay at San Nicolas, MDRRMO Nasugbu, CDRRMO Batangas City at MDRRMO Alitagtag.

Dinala na sa Alexandria Funeral Service sa Alitagtag ang bangkay ng biktima.

Sa mga nakaraag araw ay nahirapan ang retrieval team sa paghahanap sa nawawalang bangkay lalot bukod sa malalim at lampas tao ay malaking hamon aniya sa mga divers ang madilim na tubig sa lawa, makakapal na mga damo at malakas na current sa lugar.

Alas-3:30 ng hapon noong Linggo nang mapaulat na nawawala si Panganiban habang naliligo sa lawa kasama ang kanyang mga kaibigan. Ayon sa pulisya, nakainom umano ang biktima at napag-alamang lumampas sa marker na itinakdang swimming area sa nasabing lawa.

Bago pa man nakita ay pinaniniwalaang patay na ang biktima lalo’t hindi na ito lumutang pa pagkalubog nang mga oras ding iyon.

Nauna na aniyang ipinagbawal ang paglangoy sa nasabing lugar matapos na itaas sa COVID Alert Level 3 ang Batangas pero muling pinayagang maligo ang publiko nang ibaba sa Alert Level 2 ang lalawigan noong ika-16 ng Pebrero.

LABI NG BINATILYONG 2 ARAW NANG NAWAWALA SA TAAL LAKE, PATULOY NA PINAGHAHANAP

Nagsasagawa ng search and retrieval operation ang mga volunteer divers at mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa nawawalang binatilyo 2 araw na ang nakakalipas sa lawa ng Taal sakop ng Alitagtag Batangas
Nagsasagawa ng search and retrieval operation ang mga volunteer divers at mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa nawawalang binatilyo 2 araw na ang nakakalipas sa lawa ng Taal sakop ng Alitagtag Batangas

Marlon Luistro

Batangas – Patuloy pa rin ang search-and-retrieval operations ng mga awtoridad para mahanap ang labi ng 19-anyos na si Arturo Panganiban na pinaniniwalaang nalunod at dalawang araw nang nawawala  sa may Taal Lake sa Barangay Poblacion West,Alitagtag, Batangas.

Ayon kay P/Capt. Florencio Caisip, hepe ng Alitagtag Police, alas-5 ng hapon noong Lunes nang pansamantalang ihinto ang operasyon para na rin sa kaligtasan ng retrieval team na binubuo ng volunteer divers at mga tauhan ng Philippine Coast Guard. 

Nagresume ang paghahanap bandang alas-8:30 ng umaga Martes. 

Bukod sa malalim ang lawa ay malaking hamon aniya sa mga divers ang madilim na tubig at malakas na current sa lugar bukod pa ang makakapal na damo sa ilalim ng lawa. 

Alas-3:30 ng hapon noong Linggo nang mapaulat na nawawala si Panganiban habang naliligo sa lawa kasama ang kanyang mga kaibigan. 

Ayon kay Caisip, nakainom umano ng alak ang biktima at napag-alamang lumampas sa marker na itinakdang swimming area sa nasabing lawa. 

Pinaniniwalaang patay na ang biktima lalo’t hindi na ito lumutang pa pagkalubog nang mga oras ding iyon. Isang netizen pa aniya ang nakapag-video sa pangyayari.

Nauna na aniyang ipinagbawal ang paglangoy sa nasabing lugar matapos na itaas sa COVID Alert Level 3 ang Batangas pero muling pinayagang maligo ang publiko nang ibaba sa Alert Level 2 ang lalawigan noong ika-16 ng Pebrero.

Sa ngayon, ani Caisip, ay bawal na muling maligo sa nasabing lugar batay na rin sa utos ng lokal na pamahalaan ng Alitagtag.