DALAGA PATAY MATAPOS BARILIN NG RIDING IN TANDEM HABANG SAKAY NG TRICYCLE SA BATANGAS

📷 Tanauan City of Colors

Ylou Dagos

Patay ang isang dalaga matapos na barilin sa ulo ng riding in tandem suspect sa national highway sa Bgy. Santor, Tanauan City, Batangas Huwebes ng umaga.

Batay sa  imbestigasyon ng Tanauan City police, naka backride sa motor ng tricycle ang biktimang si Kee Sha Dela Rosa, 30 anyos, residente  ng Brgy. Janopol nang biglang sumulpot sa kanilang tagiliran ang motorsiklong sinasakyan ng mga  suspek.

Sinabayan ng mga ito ang tricycle at saka binaril ng isang beses sa ulo ang dalaga.

Agad tumakas ang mga suspek matapos maisagawa ang krimen.

Hindi na naisugod sa ospital ang biktima na kaagad binawian ng buhay sa mismong kanyang kinauupuan. 

Anggulong may kinalaman sa love triangle ang isang tinitingnang motibo sa krimen dahil, ayon sa mga imbestigador, may karelasyon umano ang biktima na isang lalaking mayroon ng pamilya.

Patuloy pa din ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam ang iba pang posibleng  motibo sa krimen.

9 NAWAWALA SA LIPA, BATANGAS MULA NOONG 2021

📷 Lipa PNP

Ylou Dagos

Siyam na katao sa Batangas ang nawawala pa mula noong 2021 batay sa inilabas na tala ng Lipa City police.

Ang mga nawawala na nakaalarma sa ibat-ibang police station ng lalawigan ay nagbuhat sa Lipa City, Batangas City, Tanauan City at bayan ng Sta Teresita na pawang nawala sa Lipa City at hanggang ngayon ay wala pang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga ito.

Pinakauna sa talaan ay ang magkasabay na nawala na sina  Bryan Arthur Cuenca , 41-anyos, taga Barangay 10, Lipa City na nadiskubreng nawawala mula pa noong 2:30 ng hapon ng Mayo 30, 2021 kasama si  Limuel Pantua, taga Barangay Bolbok, Lipa City.

Magkasunod namang nawala sina Jerome Mark Balaye , 26 , water refilling driver, single at  residente ng  Brgy. Pacifico, Sta. Teresita, Batangas na nawala noong June 15, 2021 ng umaga; at ang Barangay  kagawad na si Joel Guevarra , ng Purok 5, Brgy. Antipolo Del Sur, Lipa City na nawala naman ng  kasunod na araw noong June 16 ng umaga.

Buwan naman ng July ng magkakasunod na nawala sina Roderick Villaluna ,isang poultry boy mula sa Mindoro at residente ng EDC Poultry Farm sa Brgy. Rizal, Lipa City na nawala noong July 11 ng umaga, samantalang

July 14 naman ng umaga ng mawala rin sa Lipa City ang 27 anyos na construction worker na si Jymer John Paul Andal, taga ng Sta. Teresita Batangas.

Noon namang July 18 ng gabi ng maiulat na nawawala ang tricycle driver na si Hector Caraos  na taga Mataas na Lupa,  Lipa City.

Isa namang 29 anyos na Call Center Agent na  babae na kinilalang si Charito Galang,  ang naiulat na nawawala din noong November 18, 2021 ng hapon.

Pinakahuling naiulat na nawawala noong 2021 ang 24 anyos na Automotive technician na si Jun Jun Purio, residente ng Brgy. Balagtas, Batangas City na nawala na lamang noong umaga ng December 3, 2021.

Hindi naman tinukoy sa report ng Lipa City police kung anong mga huling aktibidad ng mga nasabing missing person bago sila nangawala.

Ganumpaman patuloy  na nanawagan ang Lipa City police na ipagbigay sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang impormasyon sa mga biktima.

COCKPIT OPERATOR IN BATANGAS FOILS AMBUSH, ATTACKER WOUNDED

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY—A cockpit arena operator escaped an ambush on Wednesday and shot his attacker in Tanauan City in Batangas province.

The Batangas police reported on Thursday, August 11, that Mark Colin Reño, 30, was aboard his Toyota Fortuner in Barangay Darasa around 8:30 p.m. when a motorcycle-riding gunman armed with a caliber .45 pistol shot him but missed his target.

Reño returned fire with his caliber .40 pistol and hit his attacker in the stomach. The gunman fled on foot, leaving behind his firearm.

The police, in a follow-up operation, arrested the gunman identified as Federick Octavio, 23, at CP Reyes Hospital, where he sought treatment for his gunshot wound.

The report said Reño’s firearm has a valid license and authorized to carry his firearm outside of residence for protection.

The suspect was transferred to and confined at Batangas Regional Hospital, where policemen guarded him.

Due to the medical condition of the suspect, the police have yet to interrogate him to establish his motive behind the attempted killing.

DIGITAL FILM FESTIVAL 2022, INILUNSAD NG KAPITOLYO AT BATANGAS FORUM

Marlon Luistro

Lungsod ng Tanauan, Batangas – Inilunsad  ng pamahalaang lalawigan ng Batangas sa pamamagitan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO) at ng Batangas Forum for Good Governance and Development Association, Inc. ang Doon Po Sa Amin sa Batangas Digital Film Festival 2022 kahapon, ika-10 ng Agosto.

Sa ginanap na press conference sa Batangas Forum headquarters sa Barradas Airstrip ay sinimulan na ang panawagan para mangalap ng mga digital film entries sa nasabing patimpalak.

Ang nasabing digital film festival ay hango sa Doon Po sa Amin Pride Campaign ng Batangas Forum, na kathang-isip ng kilalang direktor at actor na si Leo Martinez. Layon nitong makapagtipon ng de kalidad na short digital films patungkol sa mga bagay na ipinagmamalaki ng Batangas batay sa kultura at sining, turismo, kasaysayan, pamanang lahi, kalikasan at kaunlaran ng  lalawigan.

Ito ang kauna-unahang digital film festival sa Batangas na magbibigay karangalan at papremyo sa mga namumukod-tanging Batangueno sa larangan ng digital films na magpapakitang-gilas sa pamamagitan ng kanilang pagka-malikhain at talento.

Mahahati sa Youth at Open Category ang nasabing patimpalak kung saan magkakamit ng P50,000 cash prize ang magwawagi sa unang puwesto; P30,000 para sa ikalawang puwesto at P20,000 ang sa ikatlong puwesto. Pagkakalooban din ng P15,000 cash prize ang magwawaging entry para sa People’s Choice Award.

Ayon kay Martinez, inaasahang nasa 170 entries o tig-lima kada bayan ang lalahok sa nasabing festival. Pararangalan ang mga magwawaging kalahok sa darating na ika-8 ng Disyembre kasabay ng taunang pagdiriwang ng foundation day ng lalawigan ng Batangas.

Titipunin ng festival ang iba’t-ibang short digital videos na isasagawa ng mga amateur o propesyonal na film makers at film practitioners na tubong-Batangas o naninirahan sa lalawigan partikular na ang mga kabataan. Layon din nitong maitatag ang Batangas bilang siyang nangungunang lalawigan sa bansa sa pagkakaroon ng kakaibang pamamaraan tungo sa socio-cultural-educational development na maghahatid ng positibong pagtataguyod ng lalawigan at ibat-ibang bayan at lungsod nito.

“Sa gitna ng mga hamong hinaharap natin sa panahong ito, huwag nating kalimutang ipagdiwang ang mga ipinagmamalaki nating mga Batangueno at ng ating probinsya sa larangan ng kultura at sining, turismo, kasaysayan, pamanang lahi, kalikasan at gayondin sa ekonomiya,” ani Gobernador Dodo Mandanas. “Layunin ng ating digital film festival na maisa-pelikula ang mga ito upang maipamahagi natin sa lahat ang galing at giting ng mayaman at masaganang diwa ng mga Batangueno. Sa paraang ito maipapakita natin ang RichBatangas na ating ipinagbubunyi sa lahat.”

Ayon kay Martinez, malaki ang maitutulong ng film festival sa mga malikhaing Batangueno filmmakers at film practitioners upng maihanda sila sa napipintong “creative economy” na layong isagawa ng Philippine Creative Industries Development Act.

Bukod sa may pagkakataon silang magwagi ng premyo, ani Martinez, ay may pagkakataon din silang kumita sa pamamagitan ng  pagbebenta ng intellectual property sa kanilang nilikhang content material, gaya na lamang sa bansang Sweden kung saan ani Martinez ay umaabot sa 25 porsyento ng gross domestic product ng bansa ay galing sa kita mula sa intellectual property ng musika gaya ng mga kantang pinasikat ng ABBA; gayundin ang K-Pop music at Koreanovela ng Korea na binibili naman sa Amerika at sa iba pang mga bansa sa daigdig.

“Yung mga nagtitik-tok, ayan, content material yan. Yung mga sumasayaw pag gani ganire, content material iyon. Yung ating kababayang si Quinay na Batangueno accent, content material yon. Lahat ng ginagawa ng mga vloggers, content material yon. Ang ano nga ngayon libre ang compose non, etc. Pero pag umiral na nga yung creative industries law, yung creative industries development act, kikita na yan kasi mandated na yon ay gaya ng ginagawa ng Korea ngayon at Sweden, India, United States, Great Britain. Yan ang content material, pelikula ang content material. TV show ay content material,” aniya.

“Kailangang bumalik tayo sa Philippine literature. Hindi pwede tayong yung Korean Telenovela ang lagi nating pinapanood. Hindi natin kultura yon. Tayo ang magawa ng ating content material reflecting our culture,” dagdag niya.

Para sa karagdagang kaalaman sa  pagsali sa Doon Po sa Amin sa Batangas Digital Film Festival 2022, mangyaring bisitahin ang link na ito: https://bit.ly/DitoPoSaAminSaBatangasEntryForm.

GALING SA HEARING, NIRATRAT

Ylou Dagos

Patay ang isang lalaking kagagaling lang sa court hearing matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek sa Tanauan City Huwebes ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Christian Georfo, 47 anyos, tubong Pardo, Cebu City at residente ng Brgy, Banjo East, Tanauan City.

Batay sa report ng Tanauan City police, bandang alas 3:30 ng hapon, kagagaling pa ng biktima sa RTC ng Tanauan at umattend ng hearing kaugnay sa kanyang kasong Frustrated Homicide.

Naglalakad pauwi ang biktima nang hintuan ito ng isang hindi natukoy na sasakyan at paulanan ng bala.

Tinamaan ang biktima sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at nahulog pa sa open canal kung saan ito binawian ng buhay.

Wala pang matukoy na motibo ang pulisya sa krimen at hindi rin matiyak kung may kaugnayan ang pagpatay sa kaso ng biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang pagkakakilanlan sa may ari ng sasakyan at sa mga suspek.

MAHIGIT 200 MANGINGISDA SA TANAUAN NABIYAYAAN NG TULONG

📷 Tanauan City Information Office

Maria Katrina Garcia

Naganap ang orientation at pamimigay ng mga food packs sa tinatayang 221 na mangingisda ng Tawilis sa Tanauan, Batangas noong ika-7 ng Hunyo, sa pangunguna ng tanggapan ng City Agriculture katuwang ang Gender and Development (GAD).

Mga mangingisdang naapektuhan ng dalawang buwan na closed-seasoned period noong Marso at Abril 2022 ang benepisyaryo ng nasabing programa.

Layunin din nito na maibigay ang pangunahing pangangailangan ng mga mangingisda na nawalan ng kanilang pinagkakakitaan. Dagdag pa dito, bibigyan din sila ng pansamantalang hanapbuhay kung saan sila ay maglilinis ng coastal area sa kani-kanilang barangay sa loob ng pitong araw.

KOMEMORASYON NG IKA-119 TAONG ANIBERSARYO NG KAMATAYAN NI APOLINARIO MABINI, IDINAOS 

Jennica D. Escrupulo

Ginunita ang ika-119 Taong Anibersaryo ng Kamatayan ng pambansang bayaning Tanaueño na si Apolinario Mabini kilala bilang “Utak ng Himagsikan” sa kanyang museo sa Barangay Talaga, Tanauan ngayong araw, Mayo 13. 

Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas at Pamahalaang Lungsod ng Tanauan mula sa Community Affairs Office, sinimulan ang programa ng pag-aalay ng bulaklak sa dambana ng pambansang bayani.

Kasama sa dumalo sa programa ay ang mga opisyal at kawani ng Tanauan City Council Chief of Staff Casiano Saniano, na kumakatawan kay Mayor Mary Angeline Halili, Vice-Mayor Atty. Junjun Trinidad kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, Liga ng mga Barangay sa pangunguna ni ABC Pres. Isidro Fruelda, SK Federation sa pangunguna ni SK Fed. Pres. John Kennedy Macalindong at Sangguniang Barangay ng Talaga sa pangunguna ni Kapitan Rico Talagsad.

Dagdag pa rito, dumalo naman bilang mga panauhin sina Ms. Carmina R. Arevalo, OIC-Office of the Executive Director ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas; Provincial Administrator Mr. Wilfredo Racelis na siyang kumatawan kay Gov. Hermilando Mandanas; at Mr. Dennis Collantes na siyang kumatawan naman kay 3rd district Congresswoman Ma. Theresa Collantes.

Makikita rin ang presenya sa programa nina Mr. Rogelio Opulencia, OIC-City Schools Division, DepEd Tanauan; Elen Samonte, Proj. Development Officer V; Ryan Tan, Curator, Museo ni Miguel Malvar, Sto. Tomas, Batangas; Sarah Estubo, Curator, Museo ng Libingan sa ilalim ng Lupa ng Nagcarlan; Rolando Mabini, Museum Guide; Ms. Janna Saba, Mabini Shrine Curator; at mga kaanak ni Apolinario Mabini.

VLOGGER NA SI MYGZ MOLINO, BINIGYAN NG PAGKILALA SA TANAUAN CITY

Photo: Tanauan City Information Office

John Kenneth Mendoza

Kinilala ng Pamalaang Lungsod ng Tanauan si Mr. Mygz Molino, isang sikat na “vlogger” dahil sa pagtulong nya sa mga kababayang kapos sa buhay.

Si Mygz Molino ay nakilala online bilang kapareha ng yumaong celebrity na si Mahal sa iba’t-ibang video vlogs sa social media.

Nauna rito, pinarangalan din si Mygz ng “Certificate of Appreciation” ng kanyang mga supporters mula sa Saudi Arabia.

Isinagawa ang Awarding Ceremony sa Mayor’s Theatre Room ngayong araw, Abril 27, 2022 na dinaluhan nina Mr. Casiano Saniano, Chief of Staff na kinatawan ni Mayor Angeline “Sweet” Halili; Ms. Rebecca Javier, CSWD Department Head; Mr. Edisson Jallores Jr., Community Affairs Office Head; ilang mga department heads at administrative officers at mga supporters ni Mygz.

62-ANYOS PATAY MATAPOS MALUNOD SA TAAL LAKE

Marlon Luistro

Lungsod ng Tanauan, Batangas – Bangkay na nang matagpuan noong Biyernessa sa may Lawa ng Taal ang 62-anyos na construction worker na pinaniniwalaang nalunod habang lumalangoy sa Barangay Gonzales.

Kinilala ang nasawing biktimang si Francisco Dapo, taga-Barangay Talaga.

Sa inisyal na imbestigasyon, alas-10 ng gabi noong Huwebes nang maligo sa lawa para magswimming ang biktima na noo’y lango sa alak. Hindi na siya umuwi pa ng gabing iyon.

Hanggang sa kinabukasan bandang alas-11:40 ng umaga ay natagpuan na lamang ng concerned citizen ang walang malay na biktimang nakalutang sa may pampang ng Barangay Gonzales.

Agad na nagtulong-tulong ang mga barangay tanod ng Gonzales at CDRRMO para hilahin ang biktima na napag-alamang patay na ng mga oras na iyon.

TANAUAN BAYWALK, LAKESHORE AREA, BUKAS NA MULI SA PUBLIKO

Photo from Tanauan CAO

Marlon Luistro

Lungsod ng Tanauan, Batangas – Bukas na muli sa publiko ang Tanauan Baywalk at Lakeshore area simula ika-10 ng Abril.

Yan ay matapos na alisin ng pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Sweet Halili ang temporary closure ng nasabing lugar kasunod ng pagbababa sa Alert Level ng Bulkang Taal mula Level 3 patungong Level 2.

Gayunman ay may mahigpit na tagubilin ang lokal na gobyerno para sa mga magtutungo sa lugar. Kabilang na rito ang pagsunod sa minimum public health standards ng physical distancing at pagsusuot ng face mask na itinatakda sa ilalim ng COVID-19 Alert Level 1.

Kasunod din ng pagkakadetect ng arsenic contamination sa tubig ng Taal Lake ay pinaalalahanan din ang publikong iwasang uminom o kumuha ng tubig sa lawa dahil hindi ito ligtas.

Pinapayuhan din ang mga taong limitahan ang oras ng panliligo o paglubog sa tubig ng lawa dahil ang matagal na exposure ay mapanganib aniya sa kalusugan.

Dapat din aniyang tiyaking magshower o maligo matapos na lumangoy sa Taal Lake.

Habang nasa Alert Level 2 ang Bulkang Taal ay pinaalalahanan din ang taumbayan na manatiling alerto dahil hindi ibig sabihing nasa Alert Level 2 ay tiyak na ligtas na. Hindi aniya pinapayuhan ang paglalakbay at pagbisita sa Napayong Island.

Para naman sa mga floating cottage operators, ang distansya ng paglalakbay ay kinakailangan aniyang maging limitado sa hanggang 200 metro mula sa lakeshore at tiyaking mayroong sapat na bilang ng lifevests para sa kada indibidwal na iaakomoda sa kasagsagan ng trip.

Ayon naman kay Casiano Saniano, chief of staff ni Mayor Halili, sakali namang muling iakyat sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal ay muli na namang ipatutupad ang temporary closure ng Tanauan Baywalk at Lakeshore areas.