
Ylou Dagos
Siyam na katao sa Batangas ang nawawala pa mula noong 2021 batay sa inilabas na tala ng Lipa City police.
Ang mga nawawala na nakaalarma sa ibat-ibang police station ng lalawigan ay nagbuhat sa Lipa City, Batangas City, Tanauan City at bayan ng Sta Teresita na pawang nawala sa Lipa City at hanggang ngayon ay wala pang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga ito.
Pinakauna sa talaan ay ang magkasabay na nawala na sina Bryan Arthur Cuenca , 41-anyos, taga Barangay 10, Lipa City na nadiskubreng nawawala mula pa noong 2:30 ng hapon ng Mayo 30, 2021 kasama si Limuel Pantua, taga Barangay Bolbok, Lipa City.
Magkasunod namang nawala sina Jerome Mark Balaye , 26 , water refilling driver, single at residente ng Brgy. Pacifico, Sta. Teresita, Batangas na nawala noong June 15, 2021 ng umaga; at ang Barangay kagawad na si Joel Guevarra , ng Purok 5, Brgy. Antipolo Del Sur, Lipa City na nawala naman ng kasunod na araw noong June 16 ng umaga.
Buwan naman ng July ng magkakasunod na nawala sina Roderick Villaluna ,isang poultry boy mula sa Mindoro at residente ng EDC Poultry Farm sa Brgy. Rizal, Lipa City na nawala noong July 11 ng umaga, samantalang
July 14 naman ng umaga ng mawala rin sa Lipa City ang 27 anyos na construction worker na si Jymer John Paul Andal, taga ng Sta. Teresita Batangas.
Noon namang July 18 ng gabi ng maiulat na nawawala ang tricycle driver na si Hector Caraos na taga Mataas na Lupa, Lipa City.
Isa namang 29 anyos na Call Center Agent na babae na kinilalang si Charito Galang, ang naiulat na nawawala din noong November 18, 2021 ng hapon.
Pinakahuling naiulat na nawawala noong 2021 ang 24 anyos na Automotive technician na si Jun Jun Purio, residente ng Brgy. Balagtas, Batangas City na nawala na lamang noong umaga ng December 3, 2021.
Hindi naman tinukoy sa report ng Lipa City police kung anong mga huling aktibidad ng mga nasabing missing person bago sila nangawala.
Ganumpaman patuloy na nanawagan ang Lipa City police na ipagbigay sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang impormasyon sa mga biktima.